Paglilinaw tungkol sa iba’t ibang facts
Ang Spanish flu ay hindi sa Spain nag-umpisa
Nagkaroon noon ng Spanish flu pandemic mula March 1918 hanggang June 1920. Ang virus sa Spanish flu ay kagaya ng virus sa Swine flu. Umabot ng 50 hanggang 100 milyong tao sa buong mundo ang namatay dahil sa nabanggit na sakit.
Nag-umpisa ang Spanish flu sa U.S., tapos kumalat sa buong Europe. Kalat na kalat na ito sa ibang panig ng mundo bago pa lang umabot ito sa Spain. Bakit sa kanila ipinangalan ang sakit gayong hindi naman pala dito ito nag-originate?
Kasi Spain lamang ang nagbibigay ng reliable news tungkol sa development ng sakit na ito. Ang U.S. at ibang bansa sa Europe ay nasa “denial stage” kung kaya’t may special censorship sila sa mga balita hinggil sa sakit na kumakalat. Palibhasa’y Spain lang ang nagbibigay ng totoong ulat kung ilan ang nagkasakit o ilan ang namatay kaya nagkaroon ng impresyon na sa kanilang bansa nag-umpisa ang sakit at sa bandang huli ay ipinangalan na rin sa kanila ang sakit.
Wikang Aramaic ang ginamit ni Hesus, hindi Hebrew
Oo, marunong magsalita ng Hebrew si Hesus ngunit ang ginagamit Niyang wika at ng kanyang apostoles ay Aramaic. Ito ang pangkaraniwang wika na ginagamit sa Israel noong 539 BC hanggang 70 AD. Ang ikalawang wika na ginagamit ni Hesus ay Greek dahil ito ang secondary language noong mga panahong iyon sa kanilang lugar. Ang mga katagang sinabi ni Hesus habang Siya ay nakabayubay sa krus—“Eli, Eli lama sabachthani” (my God, my God, why have you forsaken me?)—ay sa wikang Aramaic.
Ang kabayo ni Caligula
Sa sobrang pagmamahal ni Emperor Caligula sa kanyang kabayong si Incitatus, ito ay ginawa niyang consul. Hindi naman pala ito totoo. Iginawa lang ito ng napakagandang libingan na kahit sinong tao ay maiinggit. May mga aliping nagbabantay sa libingan. May furnitures para may pahingahan ang mga bisitang kaibigan ni Caligula na nais dumalaw sa kanyang paboritong kabayo.
Malisyosong balita tungkol kay Catherine the Great
Hindi totoo na si Catherine The Great ay namatay habang nakikipag-sex sa kanyang kabayo. Si Catherine ay namatay sa kanyang sakit. Bakit nagkaroon ng ganitong tsismis?
Noong unang panahon, ang pinakamadaling paraan para masira ang reputasyon ng isang kaaway na babae ay magkalat ka ng tsismis tungkol sa sex. Totoong mahilig sa sex si Catherine, in fact, super-hilig. Kaso maliit lang na balita kung ipagkakalat lang na super-mahilig siya. Para maging hit ang tsismis, ‘yun nga ang ipinagkalat ng kanyang mga kaaway—ikinamatay niya ang pakikipag-sex sa kabayo.
- Latest