Lending firm, namamahiya kung maningil dapat nang kalusin!
MUKHANG palala nang palala ang nangyayaring pamamahiya at mga pagbabanta ng ilang lending firm sa mga nangungutang sa kanila na hindi nakakabayad.
Yung akala mo eh nakatulong sa pangangailangan mo, pero mas matindi pa palang problema ang magiging dulot nito.
Trauma, matinding takot at pagkabalisa ang natatamo ng mga umutang sa kanila.
Iyan ay dahil sa grabeng pamamahiya na humahantong pa nga sa pagbabanta sa kanilang buhay, maging ng kanilang mga mahal sa buhay.
Matagal na ang ganitong sumbong ng karamihan, may ilan na nga ang nagharap na ng pormal na reklamo sa Department of Justice (DOJ) kung saan tinukoy na ang ilan sa mga lending companies na sangkot sa ganitong marahas na paniningil.
At dahil nga bago ka makautang sa kanila ay kukunin ang iyong personal na impormasyon, yan ngayon ang kanilang alas na gagamitin laban sa ‘yo sa may pagbabanta na paniningil.
Ang masaklap pa rito, kadalasang pagmamay-ari umano ng mga dayuhan ang mga kompanyang ito at isa ang Pinoy sa kanilang target na ganitong mapangahas na aktibidades.
Dapat mag-ingat dito ang publiko, na bukod sa napakalaking tubo na kinukuha, ganyan pa ang estilo nila nang paniningil.
Maraming mga ahente ang ginagamit ng mga kompanyang ito sa paniningil at kabilang nga sa dapat gawin ang ipahiya at takutin ang mga hindi agad makabayad.
Nais na rin ni Senator Sherwin Gatchalian na maimbestigahan ito sa Senado.
Nais niyang mapanagot at patawan ng mabigat na parusa ang mga lending firm na sangkot sa ganitong aktibidades para hindi na makapambiktima pa.
- Latest