Wala na bang warranty kapag ‘as-is, where-is’ ang bentahan?
Dear Attorney,
Wala na bang aasahang warranty kung “as-is, where is?” basis ang bentahan? Sabi kasi ng seller ay “on an as-is, where-is basis” niya ipagbebenta ang plano kong bilhin na sasakyan mula sa kanya. —John
Dear John,
Madalas na ginagamit ang mga “as-is, where-is” na kasunduan sa mga bentahan ng mga second hand na kagamitan katulad ng sa sitwasyon mo. Kung ang bentahan ay “as-is, where-is”, walang obligasyon ang seller sa mga depektong maaring lumitaw lamang matapos ang bentahan.
Ibig sabihin, binibili ng buyer ang bagay na ibinebenta na “as-is,” o kung ano man ang kasalukuyan nitong kondisyon, kabilang na ang mga maaring depekto nito, kung mayroon man. Pinapayagan ng batas ang ganitong stipulasyon, basta’t malinaw na nagkasundo ang buyer at seller ukol dito.
Sa mga ganyang pagkakataon na “as-is, where-is” ibinebenta ang isang bagay, obligasyon ng buyer na katulad mo na suriing mabuti ang iyong binibili dahil kung sakaling may depektong lumitaw matapos ang bentahan, wala ka ng habol sa seller.
Hindi naman ibig sabihin nito ay lubos ng walang aasahang warranty ang buyer. Ayon sa Korte Suprema sa Joseph Harry Walter Poole-Blunden v. Union Bank of the Philippines (G.R. No. 205838, 29 November 2017), hindi maaring makaiwas sa responsibilidad ang seller para sa mga nakatagong depekto sa bagay na kanyang ipinagbili kung alam niya ang tungkol sa mga ito.
Ayon din sa kaso ng Hian v. Court of Tax Appeals, ang “as-is, where-is” ay patungkol lamang sa mga pisikal na kalagayan ng bagay na binibili. Hindi kasama rito ang legal na sitwasyon ng bagay (halimbawa na lang kung nakaw ito) at iba pang mga katangian nito na tanging mga eksperto lamang ang makakatukoy matapos ng masusing pagsusuri.
- Latest