Hula
Nagdadalawang isip si Lenie kung aampunin ba niya ang sanggol na iniaalok sa kanya ni Vangie. Ilang araw na niyang pinag-iisipan ang mga bagay na ito. Marami siyang dapat isaalang-alang kagaya ng pagiging dalaga niya. Natatakot siyang mapagkamalang anak niya sa pagkadalaga ang kanyang aampunin. Baka iyon pa ang maging dahilan ng paglayo sa kanya ng mga prospective manliligaw.
Si Lenie ay nagtrabaho bilang cashier ng isang club sa Olongapo noong early 80s. Nakatapos siya ng kolehiyo pero hindi makakuha ng trabaho. Habang hinihintay ang tawag ng mga kompanyang pinag-aplayan niya sa Maynila, pinagtiyagaan muna niya ang pagka-cashier sa night club.
Si Vangie ay isa sa mga GRO ng club na iyon. Hindi nag-ingat, kaya nasapol ng kamandag ng sundalong Negro. Mabuti naman at may konsensiya pa rin, hindi nito naisipang ipa-abort ang bata. Pagkaraang manganak, kay Lenie ipinagduldulan ni Vangie na ipaampon ang anak.
Lumapit si Lenie sa kapitbahay nilang manghuhula. Ang tanong niya: Makabubuti ba kung aampunin niya ang sanggol? Sa pamamagitan ng paghawak ng psychic sa pulso ng nagpapahula, nagkakaroon ng “vision” ang psychic.
“Ampunin mo na ang sanggol. Magdudulot siya ng suwerte sa iyo.”
Inampon ni Lenie ang sanggol na pinangalanan niyang Charlie. Hindi na niya nakita si Vangie mula noon.
Isang araw, habang nagsusulsi si Lenie sa tapat ng bintana, biglang nagising si Charlie na natutulog sa crib. Umiyak ito nang pagkalakas-lakas. Iyak ng baby na parang sinaktan. Kaagad tumayo si Lenie at patakbong pinuntahan ang ampon.
Two seconds lang pagkaalis ni Lenie sa may bintana, isang drug addict ang nagwala sa kalsada at namaril nang walang pakundangan. Ang isang bala ay tumama sa bintanang pinuwestuhan ni Lenie. Kung hindi umiyak si Charlie, tiyak na kay Lenie tumama ang bala.
Ngayon ay nasa Canada si Charlie at nagtatrabaho sa isang hotel bilang chef. Si Lenie ay papasyal-pasyal na lang sa Canada. Hindi niya maiwan ang restaurant dito sa Pilipinas na si Charlie ang nagpundar. Nagkaroon siya ng asawa at dalawang anak. Ang isang anak niya ay nasa Canada na rin dahil ipinasok ni Charlie sa hotel na pinaglilingkuran.
- Latest