^

Punto Mo

Maglakad ng 10 ­minuto para lumusog

PANDAYAN - Ramon Bernardo - Pang-masa

Isa sa mga praktikal na ehersisyo ang paglalakad. Magagawa ito kahit kailan at kahit saan. Libre na, pampalusog pa. Madaling maisingit sa anumang kaabalahan. Makakapaglakad kahit paikot-ikot sa labas o loob  ng isang gusali o sa isang parke halimbawa o kahit ang pagpunta lang sa palengke o shopping mall.  Sinasabi ng mga eksperto na nakakabuti sa kalusugan ang paglalakad na mabilis o mabagal man, gaano man katagal o saglit lang o 10 minuto sa isang araw.

“Kapag nakatayo o nakaupo tayo, naiipon ang dugo sa ating mga hita. Pero kapag naglalakad tayo at habang napipiga ang ating mga muscle, bumubuti ang sirkulasyon ng ating katawan,” paliwanag sa Ingles ng sports medicine physician na si  Dr. Samantha Smith ng Yale University sa isang labas ng HuffPost. Ang magandang sirkulasyon ay sumusuporta aniya sa kalusugan ng mga kalamnan, tumutulong sa pagtatanggal ng mga dumi sa katawan at binabawasan ang panganib na magkabara sa ugat o blood clot.

Paliwanag naman ni Jamie Shapiro, professor at co-director ng Sport & Performance Psychology program ng University of Denver, kapag tumayo ka para lumakad, nagsisimulang umagos ang iyong dugo na nagdadagdag sa lebel ng iyong enerhiya. Nararamdaman mong nagiging aktibo ka. Maaari anyang maisingit ang ilang saglit na paglalakad kahit nagtatrabaho sa buong maghapon.

Kapag nagsimula kang maglakad, tumataas ang iyong heart rate.”Tumutulong ang aerobic fitness sa pagkontrol ng blood pressure at nagpapalakas sa mga muscles at tumutulong ­makaiwas sa paglaki ng mga sakit tulad ng osteoarthritis,” dagdag ni Smith.  Kaya malaki aniya ang epekto ng maiikling ehersisyo.

Idinagdag din ni Shapiro na nagpapalakas din ng kumpiyansa sa sarili ang mga pisikal na aktibidad tulad ng paglalakad. Nakakapagpatalas din anya ng concentration skills ang paglalakad na dahilan din para higit kang maging produktibo sa trabaho man o sa eskuwelahan.

Sinasabi sa Psychology Today na, dahil nakakapagpabuti sa sirkulasyon ang paglalakad, nakakatulong ito sa daloy ng dugo sa utak kaya mahalaga ito sa iyong pag-iisip, atensiyon, lohika at marami pa.

May mga pagkakataon na, habang naglalakad ang isang tao, meron siyang mga naiisipang bagong idea o pananaw na nakakaambag sa anumang kanyang mga ginagawa o pinaplano.

Nagpapaganda rin ng mood ng isang tao ang paglalakad. Kaya nga may mga tao na naiisipang maglakad kapag napasabak sa mainitang pagtatalo o pagkatapos ng nakakapagod na meeting.

Nagpapaganda ng mood ang paglalakad, ayon kay Marta Stojanovic, isang postdoctoral research associate sa Psychological & Brain Sciences department ng Washington University in St. Louis.

Bukod dito, sabi naman ni Smith, sinusuportahan ng mga datos ang pananaw na isa sa nakakasamang bagay na magagawa natin sa ating kalusugan ang maging sedentary o yung walang ginagawa o laging nakaupo o nakahiga. Ang sedentary life ay nagdadagdag ng panganib sa mga sakit na tulad ng stroke o atake sa puso at isa ring dahilan sa ibang mga kundisyong medikal.

Gayunman, ipinapayo ng mga eksperto na sumangguni sa duktor kung merong isyu sa iyong kalusugan na nagiging problema sa pag-eehersisyo.

Email: [email protected]

SAMANTHA SMITH

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with