Lalaki na nakatagal ng 9 na oras habang nasa plank position, nakatanggap ng Guinness!
ISANG atleta sa Czech Republic ang nakapagtala ng bagong world record matapos siyang makatagal ng siyam na oras habang nasa abdominal plank position!
Kinumpirma ng Guinness organization na napasakamay ng athlete, therapist, lecturer at personal development coach na si Josef Salek ang world record title na “Longest Time in an Abdominal Plank Position (Male category) nang makapagtala siya ng 9 na oras, 38 minuto at 47 segundo.
Natalo niya ang previous record ng Australian na si Daniel Scali noong 2022 na may record na 9 na oras at 30 minuto.
Naganap ang record breaking attempt ni Salek noong Mayo 20 sa Park Hotel sa Pilsen, Czech Republic.
Sa panayam kay Salek, naging madali ang unang anim na oras niya sa plank position. Ngunit naramdaman na niya ang pagkangawit nang maitawid na niya ang ika-pitong oras. Pagsapit ng ika-siyam na oras, doon na siya nakaramdam ng pagkahilo at pananakit ng katawan.
Nang tinanong kung paano niya natiis ang pagkahilo at pananakit ng katawan para makamit ang world record, sinabi nito na may mental technique siya kung saan kinokondisyon niya ang kanyang isipan na ang buhay ay hindi madali at hindi puro sarap lamang. Natutunan niya ang technique na ito matapos siyang makulong ng ilang buwan sa UAE dahil sa kaso ng mistaken identity.
Present sa event ang Guinness adjudicator na si Jack Brockbank at agad naibigay nito kay Salek ang certificate bilang bagong world record holder.
- Latest