Ang bulate
KAPAG nagsesermon si Father, hinahaluan niya ito ng mga symbolism para maging interesting ang kanyang sermon. Sa isang misa niya, gumamit siya ng apat na bulate. Ginamit niya itong simbolo para sa kanyang sermon na may kinalaman sa bisyo at pananampalataya sa Diyos.
Isa-isa niyang inilarawan sa mga nakikinig ng misa ang mga bulateng nasa loob ng garapon:
Unang bulate: Gumagapang sa alak.
Pangalawang bulate: Gumagapang sa garapon na puno ng usok ng sigarilyo.
Pangatlong bulate: Gumagapang sa chocolate syrup.
Pang-apat na bulate: Gumagapang sa garden soil.
Ang mga bulate ay nakadispley sa ibabaw ng mesa habang nagmimisa si Father. Pagsapit ng sermon, inungkat muli ni Father ang tungkol sa nakadispley na bulate. Inireport niya ang mga sumusunod :
Unang bulate na gumagapang sa alak—patay na.
Pangalawang bulate na gumagapang sa usok ng sigarilyo—patay na rin.
Pangatlong bulate na gumagapang sa chocolate syrup—patay na rin.
Ang tanging buhay ay ang pang-apat na bulateng gumagapang sa garden soil.
Nagtanong si Father sa mga tao. “Anong leksiyon ang mapupulot natin sa apat na bulate?” Umaasa si Father ng isang malalim na kasagutan na pagmumulan ng masiglang palitan ng mga opinyon. Walang nagtataas ng kamay. Parang nahihiya pang sumagot. Isang pitong gulang na batang madaldal ang nagtaas ng kamay. Sasabihan sana ni Father na : “Iha, mga matatanda lamang ang dapat sumagot”. Pero nakalapit na agad ang bata sa altar sabay sigaw...
“Father, alam ko po ang sagot.”
“O, sige, what is your answer?”
“Father, nakakatulong po ang alak, sigarilyo at chocolate syrup para mamatay ang mga bulate sa tiyan.”
Hagalpakan ng tawa ang lahat ng nasa loob ng simbahan.
- Latest