EDITORYAL - Mga biktima ng oil spill sa Mindoro, ayudahan
MAGTATLONG BUWAN na mula nang lumubog ang MT Princess Empress sa baybayin ng Naujan, Oriental Mindoro habang patungo sa Iloilo at may kargang 800,000 liters ng langis.
Naapektuhan ang halos lahat ng bayan sa Or. Mindoro. Pinakagrabeng tinamaan ang bayan ng Pola. Nasira ang mga beaches doon dahil sa tumagas na langis, maraming bakawan ang nalunod sa langis. Bagsak ang turismo. Ang lalong kawawa ay ang mga mamamayan na umaasa sa pangingisda. Sabi ni Pola Mayor Jennifer Cruz, wala umanong tulong na galing sa may-ari ng Princess Empress.
Noong nakaraang linggo, ipinag-utos ng Bureau of Fish and Aquatic Resources (BFAR) na bawal mangisda sa karagatang malapit sa pinaglubugan ng Princess Empress. Ganito rin ang sitwasyon sa Calapan City, Naujan, Pinamalayan, Gloria at Mansalay. Kailangang magtungo sa malayong lugar ang mga mangingisda para kumita. Umaangal na ang mga mangingisda kung saan kukuha nang ipakakain sa pamilya. Aabutin umano ng anim na buwan bago tuluyang mawala ang oil spill. Ayon sa report, 40,897 na pamilya o 193,436 na katao ang apektado ng oil spill. Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa P3.8 bilyon na ang pinsalang idinulot sa kabuhayan ng mga mangingisda.
Nauna nang naireport na bibigyan daw ng compensation ang mga naapektuhan ng oil spill. Ayon sa insurance company, kabilang sa mga puwedeng magsampa ng claim ay ang mga apektadong indibidwal, korporasyon at lokal na pamahalaan.
Pero nadismaya ang mga biktima ng oil spill nang sabihin ng abogado ng insurance company na para makakakuha ng danyos, kailangang pumirma sa isang waiver. Nakasaad sa waiver na kapag nakatanggap na ng kabayaran ay hindi na sila magsasampa ng civil case. Kung magsasampa raw ng kaso ang claimants ay wala na silang makukuhang kabayaran. Kung magkano ang matatanggap na danyos ng claimants, nakadepende raw ito sa gagawing assessment. Hanggang sa kasalukuyan, wala nang report ukol sa kompensasyon.
Kamakalawa, maraming residente naman sa Calapan City ang nagreklamo dahil ang ipinamahaging delata ng DSWD ay hindi umano makain. Pinaiimbestigahan na ni DSWD Sec. Rex Gatchalian ang pangyayari.
Marami sa mga naapektuhan ng oil spill ang nawawalan na ng pag-asa na makaaahon sila sa dinaranas na kakapusan. Hiling nila ay agarang tulong na makasasapat sa nagrerebelde nilang bituka.
- Latest