EDITORYAL - Pagpapalawig ng SIM registration
MABUTI naman at binigyan ng extension ang SIM registration. Magkakaroon na ng panahon ang maraming subscribers na magparehistro. Binigyan ng 90 araw na extension ang registration. Kapag hindi pa nai-registered ang SIM, mawawalan na ng access sa pagtawag, pagtext at iba pa. Pati sa social media ay mawawalan ng access. Ang SIM registration ay nakapaloob sa Republic Act 11934 (SIM Registration Act) na nilagdaan ni Pres. Ferdinand Marcos Jr. noong Okt. 10, 2022. Layunin ng batas na mapigilan ang scam sa text messages.
Sa huling datos noong Abril 20, nasa 76,927,923 subscribers pa lamang ang nakapagpaparehistro ng kanilang SIM. Halos wala pa ito sa kalahati ng 168 million subscribers sa buong bansa. Masyadong malayo pa bago maabot ang target. Una nang sinabi na walang mangyayaring extension sa SIM registration. Pero kinausap ni President Marcos sina Department of Information and Communications Technology (DICT) Sec. Ivan John Uy at DOJ Sec. Crispin Remulla ukol dito kaya nagkaroon ng extension.
Una nang sinabi ni Uy na open siya sa kahilingan na ma-extend ang araw ng SIM registration. Ayon kay Uy, mainam na ma-extend ang deadline ng SIM registration upang mabigyan ng panahon ang mga subscriber na makakuha ng valid IDs na kailangan sa pagpaparehistro ng SIM. Pero nilinaw ni Uy na dapat munang malaman kung ano ba ang mga dahilan at hindi makapagparehistro ng kanilang SIM ang subscribers. Dapat daw malaman kung ano ang problema at masolusyunan ito. Kapag nalaman ang problema saka magtakda ng extension para sa SIM registration. Dapat daw mapag-aralan at lubos na mabatid ang dahilan kung bakit wala pa sa kalahati ng subscribers ang nakapagpaparehistro.
Isa sa mga posibleng dahilan nang mababang registration ay ang kakulangan sa ipipresentang national IDs ng subsribers. Dahil walang maipresenta, hindi na magrerehistro. Posible rin naman na hindi alam ang gagawin sa pagrerehistro ng SIM. Ang iba marahil ay dahil sa kaabalahan sa maraming bagay kaya nakakaligtaan ang SIM registration.
Samantalahin na ang 90 araw na extension. Huwag nang hintayin ang deadline. Ito na ang huling pagkakataon.
- Latest