Publiko pinag-iingat sa juice jacking
HINDI pala ligtas gamitin ang mga public charging station na karaniwang makikita sa mga pampublikong lugar tulad sa mga shopping mall, airport, hotel, train station, convenience store, restawran at iba pa. Kumbenyente pa naman ang mga ito para ma-recharge ng sinumang naglobat na baterya ng kanyang smartphone. USB cable at USB port rin kasi ang nakakabit sa mga charging station na ito kaya nakakaluwag para sa mga hindi nakakapagdala ng sarili nilang charger o kung meron mang charger ay wala namang masaksakang outlet ng kuryente.
Meron din palang peligro na mabiktima ng hacker ang mga smartphone na inire-recharge sa naturang mga public charging station. Sa pamamagitan ng malware at iba pang program na maikokonekta sa charging station na ito, maaaring manakaw ng hacker ang mga detalyeng nakapaloob sa isang smartphone tulad ng password, PIN ng GCash o credit card, at ibang mga datos na magagamit sa pagnanakaw, pagsasamantala at panloloko.
Tinatawag na juice jacking ang ganitong operasyon. Isa itong klase ng cyberattack na nagagawang manakaw ng hacker ang mga datos mula sa isang smartphone, tablet o ibang electronic device habang itsina-charged sa isang public charging station. Parang prutas na kinakatas ang cellphone. Kinukulimbat ang mga datos sa loob nito. Merong binabago ang hacker sa charging station at pinagmumukha itong lehitimo na hindi agad mapapansin ng gumagamit.
Wala pa namang lumalabas na kaso ng juice jacking dito sa Pilipinas. Meron na raw sa ibang mga bansa. Nagbabala na rin laban dito ang Federal Bureau of Investigation ng United States bagaman wala pa itong mailabas na halimbawa ng ganitong kaso. Gayunman, minabuti pa rin ng FBI na paalalahanan ang publiko. Babala na maaari rin namang magamit na gabay ng mga Pilipino. Mahalagang mabatid ang mga panganib na maaaring makaharap sa paggamit ng mga public charging station.
Ayon sa ilang mga eksperto, makakabuting gumamit ng sariling USB cable at charger na isasaksak sa isang regular na saksakan ng kuryente. Merong mungkahi na bumili at gumamit ng USB cable na pangkuryente lang at hindi nagagamit sa pagkuha ng mga data. Karaniwan kasi ngayon sa mga smartphone ay gumagamit ng mga USB cable na hindi lang pang-recharge kundi nagagamit din sa paglilipat ng mga data. USB cable ang ginagamit halimbawa kapag meron kang files sa smartphone na gusto mong ilipat sa computer o litrato sa laptop na gusto mong kopyahin at ilagay sa telepono. Itong ganitong mga kable ang sinasamantala ng mga hacker para manakaw ang nasa loob ng isang smartphone.
Makakabuti rin ang pagdadala at paggamit lagi ng power bank kahit nasaan ka kahit kailan para magamit sa panahong kailangang-kailangang gamitin ang smartphone na mahina na ang baterya.
Ipinapayo rin na mainam na alamin at tiyakin na maaasahang ligtas gamitin ang charging station sa isang pampublikong lugar. At, kung gagamit ng mga charging station na ito, gamitin ang sariling USB cable na pangkuryente lang. Tulad ng naunang nabanggit, huwag gumamit ng USB cable na nakakapagpakuha at nakakapaglipat ng mga data at impormasyon.
Mabuti na rin ang maingat kahit wala pang kaso ng juice jacking dito sa atin.
Email: [email protected]
- Latest