^

Punto Mo

Pag-asa sa magandang bukas

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

TAPOS na ang Biyernes Santo. Naipagdiwang na natin ang Pasko ng Pagkabuhay. Kung ang Biyernes Santo ay katumbas ng kalungkutan at kabiguan at ang Pasko ng Pagkabuhay kagalakan at pagtatagumpay, bilang isang bansa, tayo’y nasa panahon pa rin ng Biyernes Santo.

Balik sa dati. Balik sa mataas na bilihin, mahabang trapiko, kahirapan ng transportasyon, kakulangan ng trabaho, mababang kalidad ng serbisyo publiko, malaking pagkakautang, at malawakang katiwalian sa gobyerno. May nagbabanta pang krisis sa supply ng tubig at kuryente. Kabi-kabila ay krisis!

Sa pandaigdigang larangan, kulelat tayo sa maraming bagay.  Sa ASEAN, malayo na sa atin ang Singapore, Malaysia, Indonesia, Thailand, at maging ang Vietnam. Bago maupo si Presidente Ferdinand Marcos noong 1965, talo natin ang mga bansang ito, sapagkat noon ay pangalawa na tayo sa Japan. Dito pa nga sa atin nag-aaral ang mga lider ng mga bansang ito upang matuto tungkol sa pambansang pagpapaunlad. 

Ngayon, kulelat tayo sa larangan ng edukasyon, ekonomiya, kalusugan, teknolohiya, turismo, elektripikasyon, kasapatan sa pagkain, produksyon sa industriya, inprastraktura, dayuhang pamumuhunan at maging sa diplomasya o mabuting impluwensya sa daigdig.  Sa kabilang dako, tayo’y nangunguna sa katiwalian.

Ano ang nangyari sa atin?  Mayaman tayong bansa, pero bakit tayo naghihirap? Matatalino ang ating mga mamamayan, pero bakit tayo nahuhuli?  Ang pangunahing dahilan ay ang masamang pamamalakad sa gobyerno.  Marami tayong lider, mula sa pinakamataas na pwesto hanggang sa pinakamababa, ang hindi kwalipikado at may masasamang rekord. Bakit sila nahahalal? Ang dahilan ay sapagkat marami tayong botante na kundi man nababayaran ay hindi nag-iisip. Wala tayong mga lider na katulad ng kalidad ni Lee Kuan Yew ng Singapore.  Ang marami sa atin ay mga lider na ang tanging ambisyon ay magpayaman.

Madadala kaya tayo ni Presidente BBM sa Pasko ng Pagkabuhay o lalo niya tayong isasadlak sa Biyernes Santo? Ang sagot ay depende sa mga hakbang na kanyang gagawin. Bilang ordinaryong mamamayan na nagmamahal sa Pilipinas, nais ko siyang magtagumpay, sapagkat ang tagumpay niya’y tagumpay nating lahat. Iisang eroplano lamang ang ating sinasakyan. Kapag ito’y bumagsak, babagsak tayong lahat.

May mga hinahanap tayo sa kanya bilang ating lider. Hinahanap natin na laging magkatugma ang kanyang sinasabi at ginagawa. Hinahanap natin ang malinaw na programa ng kanyang administrayon. Hinahanap natin na siya ang magpakita ng magandang halimbawa sa pagiging maka-Diyos, makatao, at makakalikasan. Sapagkat tayo’y baon sa utang, hinahanap natin na manguna siya sa pagtitipid sa pamamagitan ng pagbabawas sa pagbiyahe sa ibang bansa.

Sa loob lamang ng siyam na buwan na panunungkulan, nakabisita na siya sa siyam na bansa, at sa mga pagbisitang ito’y laging marami siyang kasama.  May napipinto pa siyang pagbisita sa U.K. at U.S. Minsan ay ipinahayag niya mismo na ihihinto na muna niya ang mga pagbibiyahe upang siya’y makapagtrabaho.  Kailan kaya niya ito gagawin?

May pag-asa pa ba na ang ating bansa ay makararanas ng Pasko ng Pagkabuhay?  Kung may isa mang itinuro sa atin ang pananampalatayang Kristiyano, ito’y ang laging pag-asa sa magandang bukas, sapagkat tayo’y may Diyos ng Pag-asa. Sabi sa Mga Awit 30:5, “Sa buong magdamag, luha ma’y pumatak, pagsapit ng umaga, kapalit ay galak.”

BIYERNES SANTO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with