EDITORYAL - NCMH: Libingan ng mga buhay
May katiwaliang nagaganap sa National Center for Mental Health (NCMH) at nadamay ang mga kawawang pasyente ng ospital. Sila ang lubos na apektado. Kalunus-lunos ang kanilang kalagayan sa nasabing pagamutan. Sa halip na gumaling sila sa karamdaman, lalo pang lumala.
Nangamoy ang corruption sa NCMH noong 2019. Nagsampa ng kaso sa Office of the Ombudsman ang noo’y NCMH chief Roland Cortez laban kay NCMH chief administrative officer Clarita Avila. Nag-ugat ang kaso sa ipinagagawang gusali sa NCMH kung saan ang construction deal ay nai-award sa kompanya na si Avila ay isa sa incorporator. Bukod kay Avila, kasamang sinampahan ng kaso ang 13 iba pang opisyal ng NCMH.
Nang manalasa ang COVID-19 noong 2020, sinabi ni Avila na maraming pasyente at staff ng ospital ang nasa panganib magkaroon ng COVID. Nag-isyu ng gag order si Cortez at inirekomendang ilipat sa Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center sa Las Piñas si Avila.
Noong Hulyo 27, 2020, inambus si Cortez at napatay habang sakay ng kanyang kotse sa Tandang Sora Avenue, Quezon City. Kasamang napatay ang kanyang drayber na si Ernesto Ponce dela Cruz. May mga naarestong suspects at si Avila ang itinuro na mastermind sa krimen. Mariin namang pinabulaanan ni Avila ang akusasyon.
Corruption ang isyu sa NCMH. At ang isyung ito ang dahilan kaya maraming pasyente ng ospital ang nagdaranas ng di-makataong kalagayan. Sobra ang dinaranas ng mga pasyente sa ospital na sinagasaan ng korapsiyon. Kahambal-hambal ang dinaranas ng mga pasyente.
Nang magsagawa ng sorpresang pagbisita si Sen. Raffy Tulfo sa NCMH noong Marso 27, sinabi niyang kung hindi matibay ang sikmura nang dadalaw sa ospital, huwag nang gawin sapagkat hindi kakayanin.
Ayon kay Tulfo, kalunus-lunos ang kalagayan ng mga pasyente sa NCMH. Walang ventilation ang ward ng mga pasyente kaya sobrang init. Siksikan ang mga kawawang pasyente. Mayroong ilang ceiling fan pero hindi kaya ang init sa loob. Nakahiga sa semento ang mga pasyente na nanggigitata sa kanilang sariling dumi. Masangsang at mapanghi ang amoy. Kaawa-awa ang kalagayan ng mga pasyente.
Ang ganitong sitwasyon ang nag-udyok kay Tulfo para magkaroon ng Senate inquiry sa kaawa-awang sitwasyon ng mga pasyente sa NCMH.
Nadamay sa corruption ang mga kaawa-awang pasyente sa NCMH at nararapat imbestigahan. Halukayin para malaman ang katotohanan. Masahol pa sa hayop ang turing sa mga pasyente na tila wala nang pakialam ang mga namumuno sa ospital. Nagmistulang libingan ng mga buhay ang NCMH.
- Latest