Wheelchair (158)
“Ano ba ang gusto mong kuning course Enod?’’ tanong ni Tito Mon habang hawak ang test paper ni Enod na may mataas na marka.
“Gusto kong maging abogado, Tito Mon.’’
“Aba talaga ha? Bagay na bagay na tawagin kang Attorney Enod. E teka ano nga bang totoong name mo. Mula nang dumating ka rito hindi ko naitanong ang name mo. Si Kuya Jong mo lang ang nakakaalam ng totoo mong pangalan.’’
“Reynold po ang totoo kong name.’’
“Bakit Enod?’’
“Yun po ang nakagisnan kong tawag sa akin, Tito Mon.’’
“Ah ganun ba?’’
Nakisali ang Inay ni Jong—si Inay Elsa sa usapan ng dalawa.
“E ano nga ba ang dahilan at naulila ka Enod?’’
“Nalunod po ang mga magulang ko Inay—lumubog po ang bangka na sinasakyan nila.’’
“Ah ganun ba? At si Lolo Ado na ang nagpalaki sa’yo?’’
“Opo.’’
“Wala ka nang lola?’’
“Wala na po. Namatay daw po nang maaga si Lola Encarnacion sabi ni Lolo Ado.’’
“Talagang napakabait ni Lolo Ado?’’
“Opo Inay. Napakabait po ni Lolo.’’
Nang dumating si Jong ay binalita ni Tito Mon ang mataas na grading nakuha ni Enod. Tuwang-tuwa si Jong. Nalaman din niya mula kay Tito Mon na gusto nitong maging abogado balang araw.
“Kailangan talagang makapag-abroad ako, Tito Mon. Tutustusan ko ang pag-aaral ni Enod. Magiging abogado siya balang araw.’’
“Sana nga makapag-abroad ka, Jong.’’
MAKALIPAS ang mahigit isang taon, may binalita si Pam kay Jong nang dalawin niya ito sa bahay.
“Paalis na ako next week, Jong—pa-Canada.’’
Nalungkot si Jong.
“Baka malimutan mo ako, Pam.’’
“Baka ako ang malimutan mo, Jong. Marami yatang nurse sa pinagtatrabahuhan mo.’’
“Hindi. Ikaw lang mahal ko.’’
“Kapag nagkaroon ng bakante sa pagtatrabahuhan ko sa Canada, sasabihin ko sa’yo para makapag-aplay ka.’’
(Itutuloy)
- Latest