Bato
INUTUSAN ng Hari ang kanyang mga tauhan na buhatin ang pinakamalaking bato para iharang sa kalsadang dinadaanan ng mga tao. Pinaalis niya ang kanyang mga tauhan at saka siya nagtago sa isang lugar na maoobserbahan niya ang reaksiyon ng mga tao.
Isang matandang lalaki na nakasakay sa kabayo ang napamura nang makitang nakaharang sa kanyang dadaanan ang bato.
“Punyeta, sino kaya ang walanghiyang naglagay ng bato rito?”
Dahan-dahang pinadaan ng matanda ang kanyang kabayo sa gilid ng kalsada. Sunud-sunod na ang mga taong nagdaanan ngunit wala man isang nakaisip na tanggalin ang bato sa gitna ng kalsada. Karamihan ng dumaraan ay sinisisi ang Hari sa pagkakaroon ng bato sa gitna ng kalsada.
Sa wakas, isang magsasaka ang hindi nakatiis. Gumawa siya ng paraan para tanggalin ang bato. Ang kanyang malaking kariton na puno ng mga gulay ay hindi makaraan. Palibhasa ay malaki ang bato, paunti-unti niyang itinulak at pinagulong ang bato hanggang sa ito ay madala niya sa tabi ng kalsada.
Habang iniuusod niya ang bato, may lumantad na supot na tela sa ilalim nito. May laman itong gintong coins at liham mula sa Hari. Nakasaad sa liham na ang coins ay para sa taong magtatanggal ng bato sa gitna ng daan.
Saka lang napagtanto ng magsasaka na kung minsan, ang hadlang sa buhay ay grasyang nagbabalatkayo.
“Obstacles are designed to make you stronger, only the weak avoid them.”
- Latest