Yearbook hanap sa biyahero!
Naging usap-usapan lalo na nga ng mga madalas maglakbay palabas ng bansa ang isyu tungkol sa sinasabing yearbook photo na hinahanap sa travellers ng ilang Bureau of Immigration (BI) officer.
Hindi nga ba’t nag-viral sa TikTok ng isang biyaherong Pinay na naiwan siya ng kanyang flight patungong Israel, dahil sa umano’y kung anu-anong katanungan ng nagbusisi sa kanyang BI officer.
Lalo pa ngang nagtaas ng kilay ang marami nang sabihin pa ng traveller na hinihingan pa umano siya ng BI officer ng yearbook photo na katunayan ng kanyang educational attainment.
Tanong nga ng marami, kailan pa naging requirement ang pagdadala ng yearbook photo sa mga maglalakbay palabas ng bansa.
Inalis na umano sa frontline ang immigration officer na bumusisi sa naturang traveler.
Marami pa rin ang hindi maka-move on sa insidenteng ito, lalo pa nga at sinabi ng pasahero na bukod sa hinahanapan siya ng yearbook photo, iba’t ibang katanungan na tila walang kinalaman sa kanyang pagbiyahe ang inungkat sa kanya.
Oo nga’t makatuwiran lang na repasuhin at mabusisi nang husto ang mga dumadaan sa BI counter, para na rin malabanan ang lumalaganap na human trafficking, pero pambihira namang Yearbook photo pa ang naisipang hinging dokumento.
Eh kung gayon, paano nga naman kung hindi nakatapos ng pag-aaral pero may kakayahang magbiyahe at maglakbay at walang maipiprisintang Yearbook photo, eh di sori na lang ang mga ito.
Ay yun namang mga bibiktimahin talaga ng human trafficking syndicate na may yearbook, ibig bang sabihin eh makakalusot.
Sa huli , nilinaw na nang husto ng BI na tanging ticket, passport at supporting documents lamang ang kinakailangang isumite sa immigration upang mapahintulutang makabiye.
Dahil sa pangyayaring ito, yung iba ayaw nang makipagsapalaran, talagang bitbit na ang kanilang yearbook in case raw na hanapin sa airport para makaiwas sa abala.
- Latest