Mababawi pa ba ang lupang matagal nang naipagbili ng asawa?
Dear Attorney,
Mababawi ko pa po ba ang lupang ibinenta ng asawa ko ng wala kong pahintulot? Higit sa fifteen years na pong yumao ang aking asawa at noong namatay po siya ay saka ko lamang nabisto na ibinenta pala niya ang isa sa mga lupa namin. Hindi ko na po ito naasikaso noon dahil abala po ako sa pagpapalaki ng aming mga anak. Ngayon pong malalaki na sila at medyo nakakaluwag-luwag na ay balak po sana naming bawiin ang lupa, ngunit gusto po sana naming malaman kung may laban ba kami sa ilalim ng batas.—Tessy
Dear Tessy,
Nakasaad sa Article 96 at 124 ng Family Code na magkatuwang ang mag-asawa sa pangangasiwa at sa pakikinabang sa kanilang mga ari-arian. Nakasaad din na sakaling may hindi sila pagkakasundo ukol dito ay mananaig ang desisyon ng asawang lalaki ngunit may karapatan naman ang babae na kuwestiyonin ito sa korte sa loob ng limang taon.
Base sa iyong inilahad ay higit sa labinlimang taon na simula ng malaman mo ang ginawang pagbenta ng iyong asawa sa inyong lupa. Bukod sa higit na ang panahong iyan sa limang taon na ibinibigay ng batas para kuwestiyonin ang ginawang bentahan ay masasabi ring guilty ka sa tinatawag na “laches,” o pagpapabaya sa paggamit ng iyong karapatan sa napakatagal na panahon.
Dahil dito, malabo ng mabawi niyo ang lupang ibinenta ng iyong asawa, puwera na lamang kung pumayag ang kasalukuyang may-ari nito na ibenta sa inyo pabalik ang property.
- Latest