^

Punto Mo

Nasaan na tayo ­pagkatapos ng EDSA revolution?

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

PEBRERO 25, 1986 o 37 taon na ang nakaraan, hinangaan ng buong mundo ang Pilipinas dahil sa mapayapang pagpapatalsik sa 21-taong pamumuno ni Presidente Ferdinand Marcos sa ilalim ng diktaduryang militar. Milyun-milyong Pilipino na ang tanging armas ay Bibliya, rosaryo, bulaklak at ang nakaukit-sa-pusong pagmamahal sa Pilipinas ay lumusob sa EDSA at buong tapang na hinarap ang mga armadong sundalo at pulis. 

Nang araw na iyon, isang malaking himala ang naganap—sumuko ang nakamamatay na mga armas sa kapangyarihan ng mataimtim na panalangin, ginapi ng pag-ibig ang pagkapoot, tinalo ng kapayapaan ang karahasan. Ngunit pagkalipas ng 37 taon, nasaan na ngayon ang Pilipinas na noon ay sinaluduhan ng buong mundo? Wala na ba ang mga isyu na naging dahilan ng pambansang rebolusyon?

Inuulit lang ng kasaysayan ang kanyang sarili, wika ni Karl Marx. Tila nga yata!  Nang mapatalsik sa kapangyarihan ang mga Marcos, nagdudumilat ang mga placards na may ganitong sinasabi, “Never Again. Never Forget”. Pero mukhang nakalimot na ang nakararaming Pilipino kung kaya nauulit ang nakaraan. Noong isang taon, sa pag-alaala natin sa ika-50 taong anibersaryo ng batas-militar, ang nakaupo na sa Malacañang bilang presidente ay ang junior ni Ferdinand Marcos. May Marcos sa Senado, sa Kamara at iba pang lokal na posisyon.  Sumatutal, balik-kapangyarihan ang mga Marcos.

Ang mga isyu na nagpasiklab sa EDSA People’s Power Revolution ay hindi lamang buhay, kundi buhay na buhay. Naririto pa rin ang katiwalian na ngayon ay bilyun-bilyong piso na ang usapan. Wala na yatang ahensya ng gobyerno na hindi nasasangkot sa katiwalian. Hindi naman nahinto ang “red-tagging” at pagyurak sa karapatang-pantao, lalo pang lumala. Hindi naman nabawasan ang palakasan sa gobyerno at pag-iral ng double standard of justice, lalo pang naging garapal. Hindi naman lumiit ang pagitan ng mayaman sa mahirap, lalo pang lumawak. Hindi naman, nabawasan ang political dynasties, lalo pang dumami.

Kapag hindi natin natandaan ang kahapon at natuto sa aral nito ay uulitin lamang natin, sabi ng Spanish philosopher na si George Santayana. May mga nagawang mabuti at hindi mabuti si Presidente Marcos Sr. sa dalawang dekada ng kanyang pamamahala.  Ang dalangin ko, sana’y matuto si Presidente Marcos Jr. doon sa mga hindi mabuti upang hindi na niya maulit ang mga iyon.

Tayong lahat bilang mga Pilipino ay kailangang matuto sa ating mga pagkakamali. Maaaring sa iba’t ibang kaparaanan ay naging kasangkapan din tayo sa pag-iral ng katiwalian at palakasan sa gobyerno. Maaaring sa maraming pagkakataon ay sadyang wala tayong pakialam at ang iniintindi lamang natin ay ang sarili.

Kung bakit ganito ang uri ng ating gobyerno ay kasalanan nating lahat, sapagkat inihahalal natin ang mga hindi karapat-dapat. Sabi ni dating U.S. President Thomas Jefferson, “Ang goyernong inihahalal natin ang gobyernong karapat-dapat sa atin.”

Buhayin natin ang diwa ng EDSA diwa ng taos-pusong pagmamahal sa bansa; pagtatanggol sa katuwiran, katotohanan at kalayaan; pagpapahalaga sa katarungan at pagkakapantay-pantay. Sana’y hindi na maulit ang pagsiklab ng isa pang EDSA People’s Power Revolution, sapagkat kapag naulit ito, ang ibig sabihin ay talagang hindi na tayo natuto. Kapag hindi tayo natuto, karapat-dapat lamang tayo sa isang gobyernong tiwali at walang konsensiya!

EDSA REVOLUTION

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with