Cucuy
ANG mga Mexicano ay may ipinapanakot na “Cucuy” para mag-behave ang mga bata. Parang Pinoy, tinatakot ang bata na may kukuha ditong monster, sipay, o tikbalang, kung hindi matutulog ng tanghali.
Base sa Mexican folklore, ang Cucuy ay nakakatakot na nilalang—puno ng balahibo ang katawan, mukhang tao pero umiilaw ng kulay pula ang kanyang mata, may mahaba at matutulis na kuko at may ngiping kasing tutulis ng sa barracuda. Nagtatago lang siya at biglang darating para kunin ang batang matigas ang ulo. Dadalhin ang bata sa gubat para doon kainin.
Ang buong pamilya ni Estela ay sa U.S. naninirahan. Isang tiyahin niya ang nakapag-asawa ng Mexicano. Kapag nakikitulog siya sa bahay ng tiyahin, lagi niyang naririnig na ginagawang panakot sa kanyang nakababatang pinsan ang “Cucuy”.
Minsan narinig niyang pinagagalitan ng tiyuhing Mexicano ang bunsong pinsan dahil inuna pa ang panonood ng TV kaysa gawin ang school project. Sinagut-sagot pa ng pinsan ang kanyang ama kaya nagwika ito sa salitang Spanish na ang ibig sabihin ay “Darating ang el cucuy para kalmutin ang iyong bibig na walang respeto sa matanda.”
Pagsapit ng hatinggabi, lahat ay nagising sa malakas na sigaw ng bunso. Umiiyak ito. Nanginginig sa takot. Nagdurugo ang bibig. May pumasok daw sa kanyang kuwarto at kinalmot ang kanyang nguso. Malabong pigura ang nakita niya dahil patay ang ilaw.
Naging palaisipan ang nangyari sa kanyang tiya at mister. Tumigil na sila ng pananakot tungkol sa Cucuy. May paniwala ang matatanda na nagkakatotoo ang isang bagay o pangyayari kung palagi mo na lang itong binabanggit. Ang salita na sinasamahan ng emosyon ay maaaring lumikha ng isang hiwaga—positibo man ito o negatibo.
- Latest