Ang milagrosong dugo ni St. Januarius
SA mga Italyano, siya si San Gennaro. Nagsilbi siyang bishop ng Benevento, isang maliit na bayan sa probinsiya ng Campania, Italy. Nasa northeast ito ng Naples Italy.
Noong taon 305, pinugutan siya ng ulo ng grupong pumipigil sa paglago ng Kristiyanismo sa buong mundo. Lihim na isinahod ng isang babae na nagngangalang Eusebia, ang glass container sa tumutulong dugo mula sa ulo ng bishop. Tapos itinago niya ito. Namatay na martir ang bishop. Ang pagiging martir niya ang nagtulak sa babae na kuhanin ang huling patak ng kanyang dugo. Marahil ay nahuhulaan na ng babae na balang araw ay magiging “relic” ang dugo nito. Namatay kasi ito sa pagtatanggol ng Kristiyanismo kaya malamang na maging santo. Ang puwedeng maging “relic” ay mismong bangkay, parte ng katawan o personal na gamit ng martir o santo. Binibigyan ng kaukulang paggalang ng mga Katoliko ang “relics”.
Pagsapit ng taon 313, ang kalansay ng bishop ay napagpasyahang ilipat ng libingan sa Naples, kasama ang kanyang natuyong dugo na nasa glass capsule. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nasaksihan ng mga tao na biglang naging likido ang dugo. Kung tutuusin, maraming beses nang nangyari na naging likido ang tuyong dugo tapos babalik muli ito sa pagiging tuyo. Madalas nangyayari ang milagro tuwing araw ng kanyang kamatayan, Setyembre 19.
Noong Marso 2015, bumisita si Pope Francis sa Naples Cathedral. Pagkatapos magmisa ay hinalikan niya ang relic ni San Gennaro, dugo na nakalagay sa vial. Maya-maya ay naging likido ang kalahati ng tuyot na dugo. Hindi nag-liquefy ang dugo noong bumisita sa Naples sina St John Paul II (1979) at Benedict XVI noong 2007.
Huling beses na naging likido ang dugo sa presensiya ng isang Papa ay noong 1848 nang halikan ito ni Pope Pius IX. Kaya pagkaraan ng 150 taon, nagmilagro ang dugo kay Pope Francis, kaso kalahati lang ang naging likido. Kaya ang comment ni Pope Francis sa harapan ng mga pari’t madre sa Naples: Kalahati lang ng dugo ang natunaw, kaya kalahati lang ang pagmamahal sa atin ni San Gennaro. Ikalat natin ang pagmamahalan upang buo nating matanggap ang pagmamahal ng santo.
- Latest