‘Ninja cops’, pinangangambahang muling mamayagpag!
MAY pangamba si Senator Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na nagsilbi ring PNP chief noong panahon ng Duterte administration na baka muling mamayagpag ang mga ‘ninja cops’ o mga awtoridad na nadadawit sa operasyon ng ilegal na droga.
Ito’y matapos na muling mapaulat sa ilang mga isinagawang operasyon na mismong mga awtoridad ang nadadawit ngayon sa bentahan ng ilegal na droga.
Pinakahuli nga rito eh, ang naganap na drug-bust sa loob mismo ng tanggapan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) –Southern District Office sa Taguig City.
Hindi nga ba’t mismong hepe ng tanggapan at dalawa niyang tauhan ang nadakip kung saan nasabat sa kanila ang mahigit sa P9 milyong halaga ng ilegal na droga.
Noon din lang nakalipas na Oktubre isang pulis din sa katauhan ng MSgt. Rodolfo Mayo na isang intelligence officer ng PNP Drug Enforcement Group ang nadakip din sa drug bust operation kung saan nasa dalawang kilo ng ilegal na droga ang nasabat.
Bukod nga rito, mistulang nagbabalik aktibo sa kanilang operasyon ang noon ay nanahimik na mga sindikato.
Katunayan yan sa halos araw-araw na nasasabat na malalaking bulto ng illegal drugs.
Hindi dapat maging kampante sa kampanya sa ilegal na droga, dahil naghihintay nga lang naman ng tiyempo ang mga dawit dito para muling mamayagpag.
At kapag yan ay nangyari, siguradong kasunod din nito ang pagtaas ng mga karumal-dumal na krimen.
Magkakabit kasi yan, droga at krimen.
Kung dapat na paigtingin ang laban sa illegal drugs, dapat ding mahigpit na matutukan eh yun ngang mismong mga awtoridad na nasasangkot dito.
Hindi nga ba’t nagbabala na si DILG Sec. Benhur Abalos na magiging ‘madugo’ ang kanilang approach laban sa mga scalawags lalo na nga ang nadadawit sa operasyon ng droga.
Babantayan ito ng inyong Responde.
- Latest