EDITORYAL - Hand, foot and mouth disease
MAGANDANG balita na mababa na ang naitatalang arawang kaso ng COVID-19 kahit may bagong variant ang Omicron na nakapasok sa bansa. Maraming nagsasabi na maganda na ang pagdiriwang ng Pasko ngayon. Sa kasalukuyan, kabi-kabila na ang mga ginaganap na Christmas party at marami na ang nagdaraos ng reunion na mahigit dalawang taon din na hindi naisagawa dahil sa pananalasa ng pandemya. Pero sabi ng Department of Health (DOH), dapat pa ring sumunod sa health protocols ang mamamayan gaya ng pagsusuot ng face mask at paghuhugas ng kamay.
Habang nagkakampante na ang lahat sa COVID, may bago namang sakit na umuusbong ngayon at ang karaniwang tinatamaan ay mga sanggol at bata. Tinawag itong hand, foot and mouth disease (HFMD). Senyales ng sakit ang mga pantal sa paa, kamay, dibdib at bibig. Ayon kay infectious disease expert Dr. Rontegen Solante, mabilis makahawa ang HFMD at posibleng magkaroon ng outbreak sa hinaharap kung hindi mag-iingat ang mamamayan. Ayon pa kay Solante, wala pang bakuna sa sakit na ito kaya kinakailangan ang lubusang pag-iingat. Maging malinis sa katawan lalo ang mga bata. Panatilihin ang paghuhugas lagi ng kamay.
Sa La Union, isang linggong isinara ang isang classroom doon dahil sa pagkakaroon ng HFMD ng mga estudyante. Ayon kay School Division Superintendent Rowena Banzon, kinailangang isara ang classroom para hindi kumalat ang sakit. Limang estudyante umano sa Grade 2 ang nagkaroon ng HFMD.
Sa San Pascual, Batangas, naiulat na mahigit 100 estudyante ang nagkaroon ng HFMD noong nakaraang Oktubre.
Pag-iingat ang kailangan. Siguruhin ng mga magulang na malinis ang katawan ng kanilang mga anak. Magkaroon naman ng matinding kampanya ang DOH upang malabanan ang HFMD. Kung sa COVID ay naging maingat ang lahat, dapat ganito rin sa HFMD. Hindi dapat ipagwalambahala ang HFMD lalo’t mga bata ang tinatamaan.
- Latest