Malabon Mayor Sandoval, ayaw ng sugal-lupa!
AYAW ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval na magiging pugad ng iba’t ibang klase ng ilegal na sugal ang kanyang siyudad. Kaya nagbabala siya sa mga operator ng mga sugal-lupa tulad ng sakla, lotteng at peryahan na ‘wag linlangin o abusuhin ang kahinaan ng kanyang mga constituents para sa personal nilang interes.
Nais ni Sandoval, ang maliit na sahod ng mga factory workers at trabahador sa fish port ay mapunta sa hapag-kainan ng kani-kanilang pamilya at hindi sa sugal. Sinabi ni kosang Marde Infante na naglipana ang factories ng kendi at kandila at iba pa sa Malabon at naging bagsakan din o sentro ng konsignasyon ng isda ang fish port.
Siyempre, kapiranggot lang ang suweldo ng mga trabahador na ito at hindi maganda sa mata ni Sandoval na mapunta lang sa sugal ang pinaghirapan nila. Mismooooo! Hak hak hak! Sori na lang sa mga operators ng sugal lupa, walang puwang sa inyo si Sandoval. Dipugaaaaa!
Sinabi naman ng mga kosa ko na may sugal-lupa na nag-ooperate sa Malabon subalit gerilya o tago sila nang tago. Puro lotteng lang ang sugal na umiiral sa Malabon at ang mga operators ay sina Jun Cruz, Jun Bacolod at iba pa na kilala lamang sa mga alyas na Aten, Boy Edmond at Dexter. Dati-rati nag-ooperate din ng sakla sa Malabon si alyas Mario Bukbok subalit wala nang balita ang mga kosa ko kung ano na pinagkaabalahan n’ya dahil nagkamali s’ya ng sinuportahan ng nakaraang election. Araguuyyyyy!
Para masupil ang operation ng mga sugal-lupa, inutusan ni Sandoval ang mga barangay chairmen na makipag-coordinate kay Col. Amante Daro, ang hepe ng pulisya ng siyudad, para mapahinto ang mga ito. Dipugaaaaa! “Aayusin natin ito, hindi naman tayo kikilos sa walang katotohanang balita. Hindi tayo pwedeng gumawa ng hakbang na may lalabagin tayong batas, wala akong pahintulot na mag operate ang sino mang financier ng sugal sa Malabon,” ani Sandoval. Hak hak hak! Ibang klase itong si Sandoval no mga kosa? Mismooooo!
Marami na ang nagdaang lider sa Malabon kung saan ang sugal-lupa ay kinanlong nila kaya’t naging bantog ang siyudad na pugad ng larong sakla, di ba mga kosa? Nakasanayan na ng mga residente na tangkilikin ito kaya lang kahit kalkalin pa ang rekord ng pulisya, walang nakasuhan sa mga sugarol o financiers nito.
“Sa pakiwari ko, walang malinis na lungsod at walang makakapagsabi sa mga namumuno nito na hindi umiiral ang sugal sa kanilang lugar,” ani Sandoval. “At ang ipinagtataka ko bakit ang aming lungsod lang ang inaakusahan na nagko kunsinte ng sugal?” ang tanong pa niya.
Balak ni Sandoval na konsultahin ang mga barangay officials at mga residente kung paano makokontrol ang sugal-lupa sa Malabon para masawata ang mga ito. At walang pakialam si Sandoval kung sino ang tatamaan. Abangan!
- Latest