Salmon, pampano pangmayaman lang?
MAY ilang araw na lang, pwede pang humabol para makabili sa mga palengke at supermarket ng mga sinasabing imported na isda tulad ng pink salmon at pampano.
Kasi nga simula sa Linggo, (Dec. 4) wala na bawal na itong ibenta sa mga palengke at supermarket.
Base ‘yan sa kautusan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Isang malakas ‘BAKIT’ ang tanong ng marami nating kababayan.
Maliban sa sinasabing taong 1999 pa umano ito ipinagbabawal sa ilalim ng Fisheries Admistrative Order No. 195.
Paraan umano ito ng BFAR para tulungan ang mga lokal na mangingisda at para ang bilhin at tangkilikin ng publiko ay mga isdang nahuhuli sa bansa.
Ang permit umano para sa pink salmon at pampano ay para lamang sa mga industrial user tulad ng mga cannery, hotel at restaurant.
Maraming katanungan ang bumabalot sa biglaang paghihigpit at pag-ban sa mga isdang ito sa mga palengke at supermarket.
Bakit ngayon lang nga naman ito pinupursigi, gayong 1999 pa pala ang ganitong kautusan sa ban?
Biglang-bigla, bakit kaya?
Ngayon nga itatakda ng Senado ang pagbusisi dito, kung saan nakikita ng ilang mambabatas na tila ‘discriminatory’ at ‘anti poor’ ang kautusang ito.
Kahit papaano nga sana ang isang ordinaryong pamilya na nagnanais na makabili nito, nakakabili sa presyong palengke.
Ngayon kailangan mo pang magtungo sa mga hotel at restaurant, na pagdating doon siguradong dodoble na ang presyo nito at hindi na maa-afford’ ng marami.
Mistulang pinagkaitan ng pagkakataon ang isang ordinaryong pamilya na matikman ang imported na isda sa presyong kahit papaano ay kanilang nakakayanan.
Gayung may iba pang imported na isda na ibinebenta rin sa mga supermarket ang hindi naman umano ipinagbabawal at bakit ang dalawang isdang ito lamang ang tila napagdidiskitahan.
Kung tutuusin, minsan nga mas mababa pa ang presyo nito kaysa sa ilang mga lokal na isda na marahil ay isang dahilan kaya ito ang napapansin na bilhin ng karamihan.
- Latest