Online library napapanahon
Sa dinami-dami ng mga impormasyon, kaalaman, datos at iba pang karunungang makikita o makukuha sa internet, totoo pa ring marami pang mga bagay na hindi madali o hindi ganap na makikita rito. Marami pa ring mga aklat halimbawa na nananatili pa rin sa printed edition sa panahon ngayon ng digital age. Hindi sila mababasa sa internet. Hindi rin naman madaling gawan ng digital copies ang mga ito sa iba’t ibang kadahilanan.
Nariyan halimbawa ang isyu ng copyright (kailangan din kasing hingin ang permiso ng publisher at awtor ng aklat at ang seguridad na hindi basta-basta mapipirata ang online edition ng kanilang akda) o ang gastusin, panahong gugugulin at pagkuha ng mga tao na gagawa ng digital o online edition ng mga aklat na ito. Kaya nga sa mga eskuwelahan natin, patuloy pa ring gumagamit ng mga printed na libro ang mga mag-aaral.
Pabor naman sa mga batang mag-aaral kung magkakaroon ng digital copies ang mga librong ginagamit nila sa eskuwelahan. Matagal nang problema ang dami ng mga mabibigat na aklat na halos araw-araw nilang binibitbit sa pagpasok o pag-uwi nila mula sa paaralan. Kaya, kung merong digital copies ang mga textbook na ito, mababawasan ang mga pasaning ito ng mga estudyante.
Magiging sagabal nga lang dito kung walang kakayahan ang isang mag-aaral na magkaroon ng sarili niyang computer, smartphone, tablet, iPad o ibang gadget na maaaring magamit sa pagbabasa niya ng mga digital/online edition ng librong gagamitin niya sa pag-aaral. Sumasagabal din dito kung walang magamit na internet sa kanyang bahay ang mag-aaral o kung meron man ay napakahina o mabagal ang signal.
Naging matingkad ang mga usaping ito sa internet at gadget na kailangang gamitin ng mga estudyante nang ipatupad ang online classes o blended learning sa kasagsagan ng pandemya. Pero, kahit sa online classes na ito, patuloy pa ring gumamit ng mga printed module ang mga mag-aaral.
Marahil nga, makakatulong kung magkakaroon ng national online library ang Pilipinas na tulad ng panukalang-batas na isinusulong ng ilang mambabatas sa Kongreso. Lahat ng textbook, reference book at ibang learning materials na ginagamit sa eskuwelahan ay magkakaroon na ng online edition para maging handa ang mga ito sa mga panahon ng kagipitan tulad ng COVID-19 pandemic.
Sa panukalang ito, titipunin ang mga aklat na ito sa Philippine Online Library na kapwa patatakbuhin ng Department of Education at Department of Information and Communications Technology (DICT). Iyon ay kung papasa ang panukala at maging ganap na batas.
Pero, sana naman, kasabay ng pagkakaroon ng online edition ng mga textbook sa eskuwelahan, malunasan ang problema sa mga mag-aaral na walang sariling access sa internet. Matatandaan na nang unang magpatupad ng online classes sa panahon ng pandemya ang pamahalaan, marami ring mag-aaral lalo na ang mga maralita ang nahinto sa pag-aaral dahil sa kawalan ng kakayahang makabili ng computer o laptop at walang WiFI o internet connection. Isa ito sa mga dapat isaalang-alang kung sakaling maisasakatuparan ang naturang online library.
• • •
Email: [email protected]
- Latest