Ginang sa U.S., nagsilang ng ‘30-years-old’ na kambal na sanggol!
IPINANGANAK noong Oktubre 31, 2022 ang kambal na sina Lydia at Timothy at ngayon ay halos one month old na ang mga edad nila. Pero kung bibilangin pati ang mga taon na sila ay mga frozen test tube babies, sila ay 30-years-old na dapat!
Ayon sa National Embryo Donation Center, sina Lydia at Timothy ay ipinanganak mula sa longest-frozen embryo sa buong mundo.
Noong Abril 22, 1992, ipina-frozen ang embryo para sa isang anonymous married couple. Ang sperm ay mula sa husband na 50-anyos at ang egg donor ay 34-anyos. Isinagawa ito ng anonymous married couple para kapag nais na nilang magkaroon ng anak, ito ang gagamitin nilang embryo para sa In vitro fertilization pregnancy.
Sa loob ng mahigit dalawang dekada, itinago ang mga embryo sa isang fertility laboratory na may 200 degrees below zero ang lamig.
Noong 2007, nagdesisyon ang anonymous married couple na wala na silang balak magkaroon ng anak at ido-donate na lang nila ang embryo sa National Embryo Donation Center sa Knoxville, Tennessee.
Noong Pebrero 2022, na-assign ang frozen embryo sa mag-asawang Rachel at Phillip Ridgeway. Pagkatapos ng siyam na buwan na pagdadalantao, ipinanganak na sa mundo ang tinaguriang “World’s oldest twin babies”. May timbang si Lydia na 5 pounds at si Timothy ay 6 pounds.
Itinuturing na “greatest miracle” ng mag-asawang Ridgeway ang dalawa at natutuwa silang isipin na limang taon lang silang nagsasama bilang mag-asawa noong 1992.
- Latest