^

Punto Mo

Ang babaing may buntot

DIKLAP - Annabelle O. Buenviaje - Pang-masa

NANGAILANGAN nang magandang klaseng kahoy si Alvar kaya dinayo niya ang isang kagubatan. Hindi pa iyon masyadong napapasok nang maraming tao kaya nakakasiguro siya na doon niya makikita ang magandang klase ng kahoy. Ang Sweden kasi ay kinapapalooban ng 53 percent na kagubatan. May maliit siyang furniture sa kanilang bayan ng Arvika, isang munisipalidad sa Sweden. Mayamang may-ari ng ilang hotel sa siyudad ang nagpapagawa sa kanya ng sala set. Kung magugustuhan ang kanyang produkto, malamang na sa kanya na oorder ang mayamang ­negosyante ng furnitures para sa kanyang hotel.

Habang namimili ng kahoy na puputulin ay may narinig siyang boses na tila kumakanta. Ang boses ay sinasaliwan ng musical instrument na hindi niya masabi kung ano iyon. Basta’t magandang pakinggan. Hinanap niya kung saan nanggagaling ang musika. Lakad siya …lakad…hanggang sa dalhin siya ng kanyang paa sa mismong harapan ng nagmamay-ari ng boses at tumutugtog ng fiddle (kagaya ng violin).

Nanlaki ang mata ni Alvar! Babae ang nagmamay-ari ng boses. Maganda…hubo’t hubad at nakaupo sa itaas ng puno. Matutuwa na sana si Alvar. Biruin mo, pagtingala niya…babaeng hubo ang tatambad sa kanya! Nakabuyangyang na ang “boobs”, nakangiti pa sa kanya…’yung labi, aah, basta lahat ng klase ng labi. Kaya lang, may mali sa eksena. May buntot ang babae at tatawing-tawing ito sa itaas ng puno. Ang buntot  ay parang sa baka. Ang naramdaman ni Alvar na libog kanina…biglang naging hilakbot. Kumaripas siya ng takbo patungo sa trak na ipinarada niya sa may kalsada.

Noon niya napatunayan na totoo si Huldra, tawag nila sa forest spirit. Isa itong seductive forest spirit na nang-aakit sa mga kalalakihan para maging sex partner. Itinatago ni Huldra ang kanyang buntot (nagiging invisible) kapag may lalaki siyang inaakit. Ngunit may amulet si Alvar kaya nakita pa rin nito ang buntot. Thai na mahilig sa amulet ang kanyang lolo. Binigyan siya ng amulet nang malamang lagi siyang nagpupunta sa gubat para kumuha ng kahoy. Ang isa pang itinatago ni Huldra ay ang kanyang likod na butas, kahalintulad ng inukang kahoy. Ito naman ay ayon sa kuwento ng ibang lalaking pinagpakitaan ni Huldra.

Ayon sa Norwegian folklore, si Huldra ay isa sa maraming naging anak nina Adan at Eva. Kasalukuyang pinaliliguan ni Eva ang mga anak nang minsang dalawin siya ng Diyos. Sa dami ng anak, ilan pa nitong anak ang hindi napapaliguan nang dumating ang Diyos. Sa sobrang hiya, inutusan ni Eva na magtago na muna ang mga anak na hindi pa niya napapaliguan. ‘Yung mga anak lang na bagong paligo ang ipinirisinta niya sa Diyos.

“Sila lang ang mga anak mo?” tanong ng Diyos kay Eva.

“Opo.”

“Wala na talaga?”

“Opo.”

Sa loob-loob ng Diyos, “Wala na pala, hah! Sige, tototohanin kong mawala sila at nakatago na lang sila habang panahon. Ang mga anak na ito ang naging espiritu ng kagubatan, tubig, lupa at hangin.

vuukle comment

TAIL

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with