‘Ikaw ba ang nasa video?’
NAKATANGGAP na ba kayo ng ganitong mensahe; ‘Ikaw ba ang nasa video?’.
Naku, ito na naman ngayon ang bagong naisip na scam ng mga kawatan na dapat ninyong ingatan.
Sa mga katagang ginamit, kung talagang hindi ka mag-iingat, marahil bubuksan mo ang link at aalamin ‘anong video ba ito at tinatanong kung ikaw ang nandon?’
Laganap ito ngayon, kaya sa papamagitan ng kolum na ito, muli kaming magpapaalala sa inyo, ‘wag ninyong pindutin ang link para di kayo mabiktima ng mga scammer na ito.
Isang click mo lang kuha na ng mga buwitreng kawatan ang kailangan nila sa inyo, kabilang dyan ang inyong FB account at maging hanggang ang inyong bank details.
Mawawala ang inyong messenger na nakuha na rin ng kawatan, at eto na d’yan na rin ‘yan mandodorobo sa inyong mga kakilala at kaibigan.
Magpapanggap na kayo ang nagme-message at humihingi ng tulong pinansiyal.
Pinatunayan din ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group na ang ’Ikaw ba ang nasa video?’ ay isang scam na tinatawag na phishing link na kapag pinindot mo ‘yan, awtomatikong magda-downlod sa inyong gadget at kukunin nito ang naka-design sa program.
Huwag nating hayaan na magtagumpay ang mga ito, nasa atin rin ang ibayong pag-iingat upang di mabiktima ng mga scammer na ito.
Lalo pa ngayong panahon na ito, na nalalapit na ang holiday seasons mas maraming taktika ang gagawin ng mga kawatan para lamang makapanlinlang .
Matindi ang kanilang pangangailangan na dapat biguin sa paraang ibayong pag-iingat ang kailangan.
- Latest