Laughter epidemic
Masaya kung lagi kang nakatawa. Pero paano kung ang pagtawa ay naging parang sakit na nakahahawa at naging isang epidemya? Kapag sinabing epidemya, ang paghahawahan ng sakit ay malawak ang nararating, halimbawa, isang bayan o rehiyon. Ito ang nangyari sa mga taga-Tanganyika noong 1962, nagkaroon ng “laughter epidemic”. Tanganyika ang dating pangalan ng bansang Tanzania.
Nagsimula ang epidemya ng pagtatawa sa tatlong estudyanteng babae na nakatira sa mission-run boarding school for girls. Napansin ng mga namamahala ng boarding school na tawa nang tawa ang mga ito. Ang pagtawa ay tumatagal ng ilang segundo. Titigil na parang nagpapahinga pero maya-maya ay muling hahalakhak.
Sa 159 na estudyante, 95 ang nahawa sa pagtatawa sa tatlong estudyante. Hindi raw nila makontrol ang mga sarili sa pagtatawa. Ang edad ng mga estudyante ay 12 hanggang 16. Araw-araw, laging nagtatawanan ang mga estudyante nang walang dahilan. Ang ibang hindi nahawahan ay hindi makapag-concentrate sa kanilang pag-aaral dahil naguguluhan sila sa mga nagtatawanan. Nang hindi na makontrol ang estudyante sa pagtatawa, nagpasya ang pamunuan na isara na ang school.
Ang tatlong estudyante at ang schoolmates nilang tinamaan ng epidemya ay umuwi sa kanya-kanyang bayan o barangay. Ito ang naging ugat kung bakit naging “nationwide” ang pagkalat ng “laughter epidemic”. Ang naging epekto ng pagtatawa ay pananakit ng tiyan, hinihimatay, sunud-sunod na pag-utot, pagkakaroon ng butlig sa balat, paghagulgol at paminsan-minsang pagsigaw.
Mga 14 na eskuwelahan ang nagsara dahil naging magulo na ang sitwasyon sa classrooms kapag sabay-sabay na nagtatawanan ang mga estudyante. Gumastos ang gobyerno para ipasuri ang tatlong estudyanteng pinanggalingan ng mass hysteria. Ngunit wala silang nakitang sakit ng mga bata. Sa katunayan, sinabi ng mga doktor na Nothing Abnormal Detected (NAD). Tumagal ang epidemya ng isang taon at anim na buwan. Tapos, bigla na lang itong nawala. Naging bahagi na lang ng kasaysayan ng Tanzania ang mahiwagang pangyayari.
- Latest