Kambal na kuwintas
NOONG Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang malaking tahanan nina Lola Tinay sa bukid ang tuluyan ng kanyang mga kababayan na taga-bayan kapag sinosona ng mga sundalong Hapones ang lahat ng bahay sa kabayanan. Ang magagandang dalaga noon ay mahigpit na nagtatago sa mga sundalong Hapones dahil kapag nakursunadahan ay sapilitang isinasama sa kanilang kampo para gawing sex slaves ng mga sakang na hayok sa laman.
Isa sa mga nakikipanuluyan sa bahay ni Lola Tinay ay ang pamilya Claudio dahil sinunog ng mga Hapones ang bahay nila nang walang madatnang tao nang minsang sinona ang kanilang barangay sa kabayanan. Inuuto ni Lola Tinay ang Tinyenteng Hapones na pinuno ng mga sundalong humahawak sa baryo ni Lola Tinay. Ipinagluluto niya ito lagi ng pansit buko para irasyon sa kampong pinagkukutaan ng sundalo. Flattered ang tinyente sa thoughtfulness ni Lola Tinay kaya’t hindi sila “ginagalaw” ng mga tauhan nito.
Isang araw, may ibang grupo ng Hapones na nagtungo sa bahay ni Lola Tinay. Namataan kasi nila ang magandang dalagita na si Cecilia Claudio. Nakursunadahan ng pinuno ng grupo ang magandang dalagita. Dali-daling tumakbo patungo sa opisina ng ka-vibes na tinyente si Lola Tinay para magpasaklolo. Kinakaladlad na ang nag-iiyak na si Cecilia nang dumating ang tinyente at mga tauhan nito. Mas mababa pala ang ranggo ng mga sundalong gustong tumangay sa dalagita kaya ipinabugbog ng tinyente ang mga walanghiyang sundalo sa harapan ni Lola Tinay at pamilya Claudio.
Sa sobrang pasasalamat ni Mrs. Claudio sa pagliligtas sa anak na si Cecilia, hinubad nito ang kuwintas na antigo at ibinigay sa tinyente. Ayaw sanang tanggapin ngunit nang makita ang taos pusong pagbibigay ng kuwintas, ito ay tinanggap ng tinyente.
Taong 2003. International Medical Center/University of Tokyo Hospital. Isang matandang pasyente ang nangangailangan ng type AB-, isang type ng dugo na mahirap hanapan ng donor, kaya nanawagan ito sa publiko.
Nawawalan na ng pag-asa ang pamilya ng pasyente, nang isang Pilipina na nakapag-asawa ng Japanese ang nag-alok ng kanyang dugo matapos niyang marinig sa news program ang panawagan.
Magaling na ang pasyente at palabas na ng ospital nang maisipan ng pamilya ng Japanese na ipakilala sa matanda ang Pilipinang nag-donate sa kanya ng dugo. Nagulat pareho ang matanda at Pilipina nang mapansin nilang magkapareho ang kanilang kuwintas. Noon nila napagtanto na ang matanda ay ang tinyenteng nagligtas kay Cecilia. Ang nag-donate ng dugo ay anak ni Cecilia. Ang kuwintas na iniregalo sa tinyente ay may kakambal na kuwintas na suot naman ng anak ni Cecilia. Ang kambal na kuwintas ay pag-aari ng mag-asawang Claudio na ama at ina ni Cecilia.
Nagbunga ang kabayanihang ginawa ng tinyente kay Cecilia. Darating pala ang panahong, ang magiging anak nito ang magiging tagapagligtas naman niya.
- Latest