Babae sa Japan, natangayan ng 4-m yen matapos ma-scam ng lalaking nagpanggap na astronaut!
ISANG 65-anyos na babae sa Japan ang na-scam ng mahigit 4.4 million yen ng lalaki na nagpapanggap bilang Russian cosmonaut na nagtatrabaho sa International Space Station.
Ayon sa biktima na itinago sa pangalang Michiko, humingi ang scammer sa kanya ng 4.4 million yen na diumano’y pambayad sa space rocket na sasakyan nito pababa sa Earth.
Si Michiko ay residente ng Shiga prefecture. Nagkakilala sila ng scammer sa social media app na Instagram noong June 2022. Makikita sa instagram profile ng scammer ay mga litrato ng kalawakan upang makapanloko na nagtatrabaho siya sa International Space Station.
Dahil nagkapalagayan na sila ng loob sa Instagram, nagsimula na silang maging chatmates sa Line, isang Japanese messaging app. Matapos ang ilang buwan, nagpahayag ang scammer na gusto na nitong manirahan sa Japan at pakasalan si Michiko. Ngunit upang magkita sila, humingi ang fake cosmonaut ng pera sa biktima para ipambayad bilang “landing fee” ng space rocket paglapag sa Japan.
Nag-transfer ng pera si Michiko na nagkakahalaga ng 4.4 million yen sa loob ng limang installment mula August 19 hanggang September 5. Nang mapansin ng biktima na tila wala nang katapusan ang paghingi ng pera ng kanyang Russian cosmonaut boyfriend, saka lamang ito nakahalata at nagsumbong na sa pulis.
Matapos magbigay ng impormasyon at salaysay si Michiko sa Shiga Police, nakumpirma ng mga awtoridad na isang international romance scam ang nangyari sa biktima. Habang iniimbestigahan ang kaso, nagbigay ng paalala ang awtoridad sa publiko na ang pinakamabisang paraan para hindi ma-scam ay umiwas sa mga hindi personal na kakilala na nakikipagkaibigan sa mga social media apps and websites.
- Latest