Puwede bang idahilan na nalugi kaya hindi makabayad ng renta sa puwesto?
Dear Attorney,
Anim na buwan na po kaming hindi nakakabayad ng renta para sa puwestong inuupahan po namin para sa aming maliit na tindahan. Simula po kasi ng magka-pandemic ay kaunti na ang namimili sa puwesto namin. Maari po ba naming idahilan ang pagkalugi ng aming negosyo para sa hindi namin pagbabayad ng renta ng ilang buwan?—Mila
Dear Mila,
Makikita sa Article 1658 ng Civil Code na maari lamang suspendihin ng nangungupahan ang pagbabayad ng renta kung hindi inayos ng nagpapaupa ang mga kailangang kumpunihin sa property na kanilang pinauupahan. Ayon din sa nasabing probisyon, maari ring suspendihin ang pagbabayad ng renta kung hindi masisigurado ng nagpapaupa na magagamit na matiwasay ang property na kanyang pinauupahan.
Malinaw na wala sa mga nabanggit ang pagkalugi ng negosyo bilang dahilan sa pagsuspinde ng pagbabayad ng renta. Ibig sabihin, hindi n’yo magagamit ang nasabing rason upang kayo ay pansamantalang makatakas sa pagbabayad ng inyong upa.
Dahil hindi naman angkop sa sitwasyon n’yo ang mga nakasaad sa batas na maaring dahilan ng pagsuspinde sa pagbabayad ng renta ay kailangan kayong tumupad sa inyong obligasyon na bayaran ang inyong buwanang upa, alinsunod sa inyong kontrata.
Ito ay bukod na lamang kung pumayag ang nagpapaupa sa inyo na makipag-negosasyon para sa bagong terms ng inyong pag-upa ngunit iyan ay nakadepende na sa kanila at hindi sa inyong kagustuhan kaya wala kayong magagawa kung gugustuhin nilang sumunod na lang kayo sa inyong orihinal na napagkasunduan.
- Latest