Pinagtagpo ng portrait
ISANG portrait artist si Dita. Sa kanyang paglalakad minsan sa Columbus Park sa Chicago, Illinois ay may namataan siyang matandang babae na nag-iisang nakaupo sa bench. Pinapanood nito ang mga batang naghahabulan sa kanyang paligid. Hindi maintindihan ni Dita, ngunit sobra siyang naakit sa malungkot na mata ng matandang babae. May maliit na boses sa kanyang puso na nag-uutos na ipinta niya ang matanda. Nakangiti ang matanda ngunit nadadama niya ang lungkot sa magaganda nitong mata. Ang “aura” ng matanda ang magandang i-capture sa portrait. Magalang na nilapitan ni Dita ang matanda at nagpakilala siya. Nalaman niyang nagngangalan itong Anka, isang Polish-German ngunit matatas mag-English.
Isa po akong portrait artist. Nasa tapat lang ng park na ito ang aking studio. Gusto kong kunin kang model para sa gagawin kong portrait painting. Babayaran ko ang iyong serbisyo per hour. Puwede po ba?
Ngumiti ang matanda. Naku, kahit hindi mo ako bayaran, iha. Basta ba paiinumin mo lang ako ng mainit na tsaa na may kapartner na cookies. At sa isang kondisyon, huwag mong lalagyan ng wrinkles ang portrait ko.
Ilang araw din nag-model sa kanya ang matanda. Sa ganoong kaikling panahon ay naramdaman ni Dita na close na sila ng matanda. Ipinagtapat nito na nag-iisa na lang siya sa buhay. Nang naghari ang Nazi sa Germany noong World War II, si Anka, mister nito at pitong taong anak na babae ay nagkahiwalay nang magtangka silang lumabas ng bansa sakay ng barko. Nakarating sa U.S. si Anka ngunit hindi na niya nakita ang asawa’t anak.
Kahit tapos na ang pagmo-model ni Anka, malimit pa rin silang magkita ni Dita sa parke. Minsan ay napadalaw sa studio ni Dita ang kanyang ina at lolo na nagmula pa sa Los Angeles. Parang tinuklaw ng ahas ang kanyang ina at lolo nang makita nito ang portrait ni Anka.
“Maganda ba Mama…Lolo?”
Ang lolo ang sumagot na medyo maluha-luha pa, “Napakaganda. Kasing ganda siya ng lola mo. Anong pangalan niya?”
“Anka.”
Nagkatinginan ang kanyang Mama at Lolo. Hindi nag-aksaya ng oras si Dita at dinala niya ang dalawa sa parke na kinaroroonan ni Anka. Nagkita-kita ang mag-anak na pinaghiwalay ng giyera. Noon lang nalaman ni Dita ang istorya ng kanyang ina at mga ninuno dahil pagdating sa U.S. ay itinago na nila ang tunay nilang identity sa takot na ma-trace sila ng mga espiya ng Nazi.
- Latest