Ang babaing laging nakatungo (Last part)
NAGKATITIGAN ang maestra at si Elena. Sa isang saglit, pumailanlang ang nakakatulig na sigaw ni Elena. Napatulala ang maestra. Ang ibang estudyante ay nasindak din dahil sa kawalan ng ideya kung bakit sumigaw si Elena. Patakbong pumasok ang ina ni Elena na noon ay naghihintay sa labas ng classroom. Niyakap nito ang anak.
“Anak ano na naman ang nakita mo?”
“Si Senyora, nakita kong butas-butas ang katawan.”
Kinilabutan ang maestra. “Bakit nabutas ang katawan ko?”
“Tinamaan po kasi ng bala.”
Pinauwi na ang lahat ng estudyante. Masinsinang nakipag-usap ang maestra sa mag-ina. Ang ina ang nagpaliwanag.
“Nakikita po ng aking anak kung bayolente ang magiging dahilan ng kamatayan ng isang tao. Halimbawa, nakita niyang butas-butas ang katawan mo, ibig sabihin, tama ng bala ang papatay sa iyo. Pero wala siyang makikitang pangitain sa iyo kung katandaan o sakit ang ikakamatay mo.
Iyon ang dahilan kung bakit ayaw niyang lumabas sa araw dahil mas malaki ang tsansang marami siyang makasalubong na tao. Mas maraming tao, mas maraming nakakakilabot na bagay ang kanyang makikita. Iyon din ang dahilan kung bakit lagi siyang nakatungo kapag naglalakad. Iniiwasan niyang may makita siyang hindi kanais-nais.”
Nabagabag ang maestra kaya hindi na nito itinuloy ang pagbabakasyon. Sasama sana ito sa mga pinsan para dumalo ng kasalan sa ibang bayan. Kaya mga pinsan na lang ang tumuloy.
Pagkaraan ng isang araw, nabalitaan ng maestra na napatay ang lahat ng pinsan niya na dumalo ng kasalan dahil napadaan ang mga ito sa isang lugar na may nangyayarig bakbakan sa pagitan ng mga rebeldeng Pilipino laban sa sundalong Kastila.
Nakaligtas ang maestra ngunit pagkaraan ng limang taon, siya ay binaril ng kanyang mister na seloso. Pinaulanan ng bala ang katawan ng kawawang maestra.
Mahina ang katawan ni Elena. Nagkasakit ito ng tuberculosis at nang magtagal ay namatay sa edad na 26.
- Latest