Maari bang makulong dahil sa hindi pagsustento?
Dear Attorney,
May anak po ako sa pagkabinata at humihingi po ng sustento yung nanay sa kabila po ng kakulangan ng aking sinasahod. May ibang pamilya na rin po kasi ako ngayon kaya inuuna ko ang asawa ko ngayon at ang anak namin.
Maari ba akong makulong kung hindi ako makapagbigay ng sustento sa anak ko po sa pagkabinata kahit ang dahilan ay kulang na po ang sahod ko para sa aking pamilya ngayon? —Mark
Dear Mark,
Oo, maari kang makulong dahil sa hindi mo pagbibigay ng sustento. Sa ilalim ng Republic Act (R.A.) No. 9262 o Violence Against Women and Children Act (VAWC), mayroong tinatawag na economic abuse at kabilang sa matatawag na economic abuse ang hindi pagbibigay ng sustento. Maaring mabilanggo at pagmultahin ang sinumang mapapatunayang guilty sa ilalim ng nasabing batas.
Ngunit mahalagang malaman na kinikilala naman ng batas ang pagkakaiba ng sadyang pagtanggi sa pagbibigay ng sustento at ang kawalan ng kakayahang gawin ito. Sa kaso ng XXX v. People of the Philippines (G.R. No. 252087, 10 February 2021), pinanigan ng Korte Suprema ang amang inireklamo sa ilalim ng R.A. 9262 dahil sa hindi pagbibigay ng sustento sa anak.
Ayon sa Korte Suprema, kahit napatunayan ng prosecution ang hindi pagbibigay ng sustento ng akusado, hindi naman napatunayan na may intensiyon talaga siyang hindi sustentuhan ang kanyang anak. Makikita sa records ng kaso na gumawa ng paraan ang akusado na makapagbigay ng pinansiyal na suporta sa kanyang anak ngunit sadyang hindi lang talaga sapat ang kanyang kinikita para matugunan ang hinihinging halaga ng kanyang asawa.
Kaya sa tanong mo kung maari ka bang makulong dahil sa hindi mo pagsusustento, ang sagot ay oo ngunit maari mo namang patunayan na ang hindi mo pagsustento ay hindi dahil sa sinasadya mo ito at ito’y bunsod lamang ng iyong kawalan ng kakayahan na magbigay ng suporta dahil sa kakulangan ng iyong sinasahod.
- Latest