Namatay sa halik
BINAWIAN ng buhay si Myriam Ducre-Lemay, isang 20-anyos na dalaga mula sa Quebec, Canada matapos makipaghalikan sa kanyang boyfriend. Bago maghalikan, ang boyfriend ay lumantak muna ng peanut butter sandwich.
Hindi alam ng boyfriend na may malalang allergy sa peanut butter ang kanyang girlfriend. Sa pamamagitan ng pakikipaghalikan, ang peanut butter na kinain ng boyfriend ay lumipat sa bibig ng nobya. Ito ang nag-trigger para umatake ang allergy ni Myriam.
Ang magnobyo ay galing sa party. Hindi nakapagbaon ng EpiPen si Myriam. Ito ang itinuturok niya sa sarili kapag inaatake siya ng allergy. Hindi rin niya suot ang Medical Alert bracelet. Dito mababasa ang kanyang medical history para kapag nagkaroon ng emergency, may guideline ang doctor at iba pang medical personnel kung ano ang gagawin at di dapat gawin sa kanya.
Sa nanghihinang boses, binigyan niya ng instruction ang boyfriend na tumawag sa 911. Tinanong niya ang boyfriend kung kumain ito ng peanut butter. Nang sumagot ng OO, sinabi ni Myriam na iyon ang dahilan ng kanyang atake. Saka lang nalaman ng boyfriend ang sakit ng nobya.
Napakaimportante ng EpiPen. Ito ay panturok na may epinephrine. Kailangang maiturok kaagad ito sa pasyente upang hindi lumala ang sitwasyon. Wala na siyang malay nang dumating ang ambulansiya. Sinikap ng emergency crews na i-resuscitate ng epinephrine ang pasyente pero nabigo sila. Nagkulang ng suplay ng oxygen ang kanyang utak kaya binawian siya ng buhay. Ang mahabang paghihintay bago mabigyan ng first aid at kawalan ng EpiPen ang kumitil sa buhay ng dalaga.
Nagpasiya ang ina si Myriam na ikalat ang nangyari sa kanyang anak upang maging aral sa mga may malalang allergy.
- Latest