Ambulansya, pampasada!
ETO nga at meron na namang bagong modus ang nabuko.
Nasita nitong nakalipas na Miyerkules ng mga tauhan ng I-ACT ang isang ambulansya na napag-alaman na ginagamit ang naturang sasakyan ng gobyerno sa pamamasada.
O di, kakaiba na naman ito.
Nang masita, at tanungin ang mga sakay mukhang hindi sila nagkasundo.
Iba-ibang pagamutan yata ang patutunguhan.
Hindi rin masabi kung ano ang dahilan ng kanilang emergency at kung bakit lahat sila ay lulan ng ambulansya.
Nabatid pa sa I-ACT na sinurveillance na pala ang driver ng ambulansya mula sa Rosario, Cavite.
Ang ‘ambulansyang pampasada’ ay may tatak pa na ‘Republic of the Philippines-Department of Health’.
Siyempre kumpiskado ang lisensiya ng driver dahil sa nabuko niyang modus.
Ibang klase, ‘di po ba?
Baka kuntodo gamit pa ito ng kanyang sirena at blinker sa pagbiyahe.
Kuntodo mahahawi naman ang mga kasabayang sasakyan, yun pala hindi emergency ang sakay kundi nagmamadali marahil para makarami ng seserbisan.
Kung nakatutok ngayon ang mga awtoridad sa mga ilegal na gumagamit ng blinker at wang-wang, aba’y dapat rin palang matutukan ang ganitong may karapatan ngang gumamit nito, pero nagagamit din sa ilegal.
Marami yan sa daanan kahit walang sakay na pasyente, kuntodo rin ang wang-wang at blinker.
Natataranta na nga katatabi ang kasabayang sasakyan, yun pala wala namang dahilan para magmadali ang mga ito.
Yan ang tinatawag na abusado sa lansangan.
- Latest