^

Punto Mo

Dapat notaryado ang deed of sale ng lupa

DEAR ATTORNEY - Atty. Aeron Aldrich B. Halos - Pang-masa

Dear Attorney,

May nakapagsabi po sa akin na wala raw bisa ang isang deed of sale kung hindi ito notaryado. Nag-aalala kasi ako dahil napansin ko na hindi pala namin naipa-notaryo ng binilhan ko ng lupa ang Deed of Sale na aming pinirmahan noong isang buwan. Kailangan po bang notaryado ang deed of sale?– Myla

Dear Myla,

Nakasaad sa Article 1358 ng ating Civil Code na kailangang nasa isang public na dokumento ang kasunduan ukol sa bentahan ng real property.

Upang maging public ang isang private document ay ipanonotaryo ito kaya dapat ay notaryado ang Deed of Sale na nabanggit mo na kaugnay sa binili mong lupa.

Ngunit sa kabila ng probisyong ito na nagsasaad na kailangang notaryado ang mga kasulatang ukol sa bentahan ng lupa, tahimik naman ang batas sa epekto ng hindi pagpapanotaryo.

Ito ang naging isyu sa ilang kasong dinesisyunan na ng ating Korte Suprema. Malinaw raw na hindi pagsunod sa Article 1358 ng Civil Code ang hindi pagpapanotaryo ngunit ayon sa Korte Suprema, hindi naman makaaapekto ang kakulangang ito sa bisa ng kontrata. Valid pa rin ito at kailangang tuparin ng mga pumirma sa dokumento ang kanilang mga napagkasunduan. Ang requirement na kailangang notarized ang dokumento ay para lamang sa convenience  ng lahat at wala itong kinalaman o epekto sa bisa ng naging kasunduan [James Estreller, et al. v. Luis Miguel Ysmael, et al., G.R. No. 170264, March 13, 2009; Tigno v. Aquino, 486 Phil. 254, 268 (2004)]

Ngunit hindi man apektado ang bisa ng Deed of Sale ay kakailanganin mo pa rin na ipanotaryo ito dahil hindi mo rin naman maipaparehistro sa pangalan mo ang titulo ng lupa sa Registry of Deeds kung ang Deed of Sale ay hindi notaryado. Ito ay alinsunod sa Section 112 ng P.D. 1529 o Property Registration Decree.

Kaya ang sagot ko sa katanungan mo: oo, kailangang notarized ang deed of sale. Pero hindi ito sa kadahilanang mawawalan ng bisa ang naging bentahan kapag hindi ito notaryado kundi dahil kailangang notarized ang deed of sale para sa mga transaksyon pagkatapos ng bentahan partikular na kapag ipalilipat mo na sa pangalan mo ang lupa.

DEED OF SALE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with