‘Wiper gang’, kinatatakutan na sa lansangan!
Dumarami na naman ang mga kolokoy sa lansangan, at aktibo ang mga ito na kinatatakutan na rin nang maraming motorista.
Dahil nga sa tag-ulan na, mas lalo silang dumami sa lansangan, ito ang grupo ng mga kolokoy na binansagang ‘wiper gang’.
Ito yung may dalang wiper at basahan na naghihintay sa paghintuan ng mga sasakyan.
Bigla ang lapit ng mga ito, walang sabi-sabi bitbit ang bote na may timplang sabon at basta na lang sasabuyan ang windshield ng inyong sasakyan.
Punas dito punas doon, na kung minsan nga imbes na luminis ang yong windshield eh lalong lalabo. Kakatukin nyan ang driver ng sasakyan at saka isasahod ang kamay.
Eto ngayon, nasabi kong kinatatakutan na ng mga motorista dahil iba ang takbo ng utak ng karamihan sa mga ito na kapag hindi mo nabigyan magagalit at kung minamalas-malas ka, basag salamin ang mangyayari sa iyo.
Kaya naman hindi nabibigyan ang mga kolokoy, eh sa takot ng motorista na magbukas ng bintana dahil kahit konting siwang lang nakapandudukot na ng gamit ang mga ito.
Grupo-grupo yan sa isang lugar, kapag tinopak ang isa at hindi nasiyahan tatawagin ang mga kasama, naku kawawa ang biktima.
May pagkakataon na kung hindi man batuhin ang windshield ang sasakyan mo, hahatawin wala ka nang magagawa dahil pinapalibutan ka na nila.
Matagal na itong nangyayari, lalu na sa gabi ang nakakapagtaka nga lang hindi nasisita ng mga awtoridad at ng nakakasakop na barangay.
Dami nyan sa Roxas Boulevard at maging sa panulukan ng Lacson at sa Espana at sa ilan pang medyo may kadiliman na lugar sa Maynila.Hindi ito dapat balewalain, dahil dito nakikita ang harapang pag-atake ng mga kawatan, na nagkukunwari ng naglilinis lang ng inyong sasakyan.
Nakakapagtaka rin na hindi ito nasisita kahit pa nga harapan ang paglabag sa pinaiiral na health protocol, marami sa mga yan walang suot-suot na face mask.
Baka hindi na ito nakikita ng mga Manila LGU at maging sa ibang lugar.
Nasa suluk-sulok lang ang mga tropa nyan, kumukuha ng pagkakataon para makapambiktima at sumalakay.
- Latest