Nawawalang mga anak, sa rali hinahanap!
ISANG araw matapos ang ginanap na eleksyon, agad-agad ang ginawang pagrarali ng mga militanteng grupo na sinamahan ng mga kabataang estudyante sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad.
Umano’y dayaan sa halalan ang ura-urada nilang isinisigaw sa lansangan.
Kapansin-pansin na talagang nakahanda na sila, dahil ready agad ang dala-dala nilang mga streamer/ banner.
Kasabay nito, may nagpahayag pa nga ng ‘no classes’ sa ilalim umano ng Marcos presidency, at panawagan ng walk- out sa mga mag-aaral.
Ilang araw ding nag-ingay ang mga kabataang ito.
Pero ang nakapukaw ng pansin sa marami nating kababayan eh sa gitna ng mga pagrarali, eh ang pagsusulputan ng mga inang nagdadalamhati.
Nagdadalamhati dahil hinahanap nila ang kanilang nawalay na mga anak na sinasabing na-recruit para maging aktibista.
Nagbabakasakali sila na makita nila sa grupo ng mga nagrarali ang kanilang mga nawawalang anak.
Nakunan iyan ng maraming mga video, na nag-viral pa nga kaya marami ang naantig ang damdamin.
Totoo palang nangyayari ito.
Yung isang ina, base sa kanyang pahayag apat na taon na niyang hinahanap ang kanyang anak na sinasabing na-recruit ng mga aktibista at hindi na nakauwi sa kanila.
Hindi nga ba’t sa isinagawang pagdinig sa Senado, nasumpungan din ang ganitong mga eksena kung saan luhaan ang ilang mga magulang partikular ang mga ina na sinasabing nawalan ng anak matapos na ma-recruit sa paaralan.
Narinig ang kanilang saloobin tungkol sa mga nawala nilang anak na umano’y na –recruit ng CPP-NPA at tuluyan nang namundok.
Kung napanood lang sana ng mga anak ang labis na pag-aalala ng kanilang mga magulang, sana eh mapukaw din ang damdamin ng mga ito, at bigyan ng pagkakataon na maipabatid man sa kanilang mga magulang at nag-aalalang pamilya ang kanilang kalagayan.
- Latest