Aswang buster’
(Base sa karanasan ni Armida noong nakatira pa siya sa liblib na baryo sa malayong probinsiya.)
SABI ng aking lola, nagsasaya raw ang mga ungo kapag Mahal na Araw lalo na tuwing Biyernes Santo. Ungo ang tawag namin sa aswang na kumakain ng bangkay ng tao o pumapatay kung walang-wala nang madilihensiyang bangkay. Nagdiriwang ang mga ungo dahil naniniwala silang patay ang Diyos kaya malayang makakagalaw ang mga kampon ni Satanas.
Piyesta sa kanila ang Biyernes Santo. Tahimik ang paligid kapag Biyernes Santo dahil ipinagluluksa ng mga tao ang kamatayan ng Diyos. At dahil nga tahimik, malinaw na maririnig ng kanilang “radar” kung saan may naghahagulgulan dahil namatayan ng pamilya.
Paano nila maririnig ang iyakan? Ang gagawin nila ay kukunin ang lusong (bayuhan ng palay), bubulong ng “incantations”, itatapat ang taynga sa loob ng lusong para mapakinggan kung saan may nag-iiyakan. Kung sa modern world, iyon ang kanilang google map or “waze”.
Kaya kapag nalagutan ng hininga ang kapamilyang naghihingalo, pinipigilan ng lahat ng huwag mapahagulgol. Pero may mga taong nakakalimot at hindi mapigilang bumunghalit ng iyak kaya’t nalalaman din ng ungo kung saan may lamayan ng patay.
Sa kalaliman ng gabi sila lumulusob, sa tulong ng magic spell mabilis makukuha ng ungo ang bangkay nang hindi napapansin ng mga taong nakikipaglamay.
Pero nang gabing iyon na nakaburol ang kapatid ni Lola, may inihandang itong pangontra. Pinaligiran niya ng asin na kanyang inorasyon ang paligid ng kabaong upang hindi makalapit ang ungo. Nakaupo si Lola sa harapan ng kabaong habang may isang dakot na asin siya sa kanyang mga palad.
Maya-maya ay may naamoy na mabaho si Lola. Hudyat iyon na nasa paligid niya ang ungo. Sila ay amoy tae na may kahalong amoy na nabubulok na bangkay. Ganoon ang amoy ng langis na ipinapahid nila sa katawan kapag nagta-transform na sila mula sa pagiging tao patungo sa pagiging aswang.
Ang asin niyang hawak sa isang kamay ay iwinisik niya sa paligid ng kabaong kahit hindi niya nakikita ang ungo. May malakas na sigaw na umalingawngaw sa paligid na tila dumadaing sa sakit pero wala namang tao o aswang. Biglang nawala ang sigaw, kasabay ng pagkawala ng amoy na mabaho. Ibig sabihin umalis na ang ungo at matatakot na itong magbalik. Nailibing nang matiwasay ang kapatid ni Lola. Tapos bininyagan namin si Lola na “Aswang buster”.
- Latest