Lalaki sa UK, natuklasan ang angking talino sa pagguhit habang naglilinis ng bahay gamit ang vacuum at carpet!
ISANG stay at home dad sa UK ang nakatuklas na kaya niyang gumawa ng magagandang artwork gamit lamang ang vacuum at carpet sa bahay.
Naging viral ang mga artwork sa Instagram ng 36-anyos na si Tom Quirk dahil sa kakaiba nitong medium: ang vacuum cleaner bilang pangguhit at carpet bilang kanyang canvass! Nakatanggap ng libu-libong likes at share sa social media websites ang mga artwork ni Quirk kung saan ginuhit niya si Mona Lisa, Donald Trump at iba pang Hollywood personalities.
Natuklasan ni Quirk ang kanyang talento, dalawang taon na ang nakalilipas nang pinalitan niya ang carpet sa kanilang tahanan. Dahil mabalahibo ang nabili niyang carpet, napansin niya na puwede niya itong drowingan gamit ang manipis na attachment ng vacuum cleaner.
Inaabot ng 15 hanggang 20 minuto bago matapos ang mga artwork ni Quirk sa carpet pagkatapos nito ay kinukuhanan niya ito ng litrato at pinu-post niya sa kanyang social media accounts.
Nagsimula sa mga kaibigan at kamag-anak niya lamang ang pumupuri nito online hanggang pati mga hindi na niya kakilala ay sini-share na ito sa kanilang mga social media accounts.
Nang tinanong kung may balak ba siyang i-preserve ang kanyang mga artwork, sinabi ni Quirk na sapat na ang kunan ito ng litrato at i-share online dahil masyadong magastos kung paulit-ulit siyang bibili ng bagong carpet.
- Latest