Ang ‘engkanto’ sa Manggahan
ANG sumusunod na kuwento ay isinalaysay ni Isay noong may malawak pa silang taniman ng mangga sa kanilang probinsiya:
May malawak na niyugan at taniman ng mangga ang aking lolo na tangi nilang ikinabubuhay. Mura lang ang niyog nang panahong iyon kaya ang malaking kinikita ng pamilya ay nagmumula sa manggahan. Ang number one problema ng aking lolo ay mga magnanakaw lalo na sa panahon ng tag-ani. Halos ang 30 percent ng kinikita ng taniman ay sa magnanakaw lang napupunta. Hindi naman nila ma-afford na kumuha ng security guard kaya may naisipang gawin ang aking lolo.
Ang lolo ng aking lolo ay isang albularyo kaya marami itong nalalaman tungkol sa mga orasyon. Marahil isa sa mga orasyong iyon ay namana niya sa kanyang ninunong albularyo. Kapag namumunga na ang mangga at malapit nang anihin, gumigising ang aking lolo sa madaling araw. Nililibot niya ang bawat puno at dinadasalan niya ito ng orasyon.
Isang umagang aanihin na nila ang mangga, kung saan kasama ni Lolo ang mga trabahador, nagulat sila na may nadatnan silang tatlong lalaki na lakad nang lakad sa loob ng farm na tila wala sa sarili. Nang makita sila ay nagsiluhod ang mga ito sa harapan ni Lolo at umaming magnanakaw sana sila ng mangga noong nagdaang gabi ngunit sa hindi malamang dahilan ay nawala ang mga puno at hindi na sila makalabas sa farm.
Dinala ng mga tauhan ni Lolo ang tatlong magnanakaw sa presinto at ipina-blotter ang nangyaring tangkang pagnanakaw. Sa harapan ng mga pulis at ni Lolo ay nangako silang hindi na lalapit kahit kailan sa aming farm at nakiusap na huwag na silang ipakulong. Ang mga lalaking ito ang nagkalat ng tsismis na may engkanto raw na naninirahan sa taniman ng mangga.
Mukha namang nakatulong ang pangyayari dahil simula noon ay wala nang nagtangka pang magnakaw sa aming farm. Kung anumang orasyon ang ginamit ng aking lolo, hanggang ngayon ay hangang-hanga pa rin ako.
- Latest