^

Punto Mo

Online ­consultation pabor ba sa ­mahihirap?

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

DAHIL sa pandemya, naging malaganap ang tinatawag na online consultation o pagpapatingin  sa doktor sa pamamagitan ng internet, cell phone o computer, apps at iba pang sistema ng makabagong teknolohiya. Tinatawag din itong telemedicine o virtual medicine. Hindi na kailangan ng pasyente na pumunta sa isang ospital o klinika para kumunsulta sa doktor. Mag-uusap na lang sila ng doktor sa pamamagitan ng video call, chat na maaaring sa messenger, zoom, viber at iba pang uri ng makabagong sistema ng komunikasyon na maaaring magkita ang magkabilang panig kahit nasa magkalayong lugar sila.

Matagal na namang umiiral ang telemedicine sa mundo dahil na rin sa pagsulpot ng mga makabagong teknolohiya tulad ng internet na sa pamamagitan nito ay maaaring magpakunsulta ang pasyente sa doktor kahit nasa bahay lang siya. Tumindi na lang at lalong lumaganap sa kasalukuyan  ang paggamit ng telemedicine dahil sa mga health protocol na ipinatutupad laban sa COVID-19. Naiiwasan dito ang pagkahawa sa COVID. Nalutas ang problema ng mga pasyenteng kinakabahan sa pagtungo sa ospital dahil nga sa pandemya.

Kumakalat sa social media ang mga anunsiyo ng isa o grupo ng mga doktor na nag-aalok ng online consultation. Meron pang mga Facebook page ng mga doktor na nag-aalok ng naturang serbisyo. May mga doktor na bawat pasyente nila ay iniimbitahan nilang maging friend nila sa Facebook para sa online consultation at para hindi na kailangang pumunta sa ospital ang pasyente. May nabasa akong pahayag ng ilang health expert na magpapatuloy pa rin naman ang telemedicine kahit wala nang pandemya.

Kung walang health insurance ang pasyente, maaari siyang magbayad sa doktor sa pamamagitan ng mga payment center tulad ng G-Cash, Paymaya, banko at iba pa depende sa sistema ng pagbabayad na ipinaiiral ng isang manggagamot. Siyempre pa, kailangan munang magbayad ang pasyente bago niya makausap ang doktor online. Meron ding doktor na maaaring kunsultahin muna bago bayaran.  Ang inireresetang gamot ay lilitratuhan ng doktor bago ipadala sa pasyente na maaaring sa pamamagitan ng messenger o email.

Ibang kaso nga lang kapag kailangang magpalaboratoryo ang pasyente tulad ng mga blood test, x-ray, electrocardiogram, ultrasound, urinalysis, CT scan at iba pang medical procedure na kakailanganin na ang personal na presensiya ng pasyente. Meron ding mga sakit o kundisyon  na hindi sapat ang teleconsultation dahil  kailangang makita ng doktor nang personal ang pasyente.

Sa mga walang sariling sasakyan, lalong naging mahalaga ang telemedicine dahil sa mga problema sa mga pampublikong sasakyan na idinulot ng pandemya. Hindi na nila kailangang mamasahe at bumiyahe nang malayo papunta sa ospital o klinika. Kailangan lang meron siyang internet connection, smartphone, laptop, desktop computer, tablet o  iPad.

Maaaring sa unang tingin, pabor ang telemedicine sa mahihirap na pasyente dahil makakatipid sila sa pamasahe, oras, pagod  at abala. Hindi na kailangang pumila nang matagal sa labas ng klinika ng doktor. Wala pa namang lumilitaw na pag-aaral kung bentahe o disbentahe para sa mga mahihirap ang telemedicine. Pero marami ring mga mahihirap ang merong sariling smartphone at account sa social media at, kahit data lang ang ginagamit, nakakapagbukas sila dito ng internet kaya hindi imposible para sa kanila ang magpatingin sa doktor sa tulong ng mga teknolohiyang ito.

• • • • • •

Email: [email protected]

CONSULTATION

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with