Blockbuster ang pila sa drug stores!
ANG laki ng porsiyentong itinaas sa mga nakalipas na araw ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa partikular sa National Capital Region (NCR).
Kaya nga hindi malayong mayroon na ngang local transmission ng Omicron variant na sinasabing mas mabilis na makahawa.
Kung mabilis na ngayon pa lang ang pagtaas ng bilang na tinatamaan ng virus, ang pinaka-peak pa raw niyan ay sa katapusan pa ng Enero ito lubusang mararamdaman.
Mukhang bumabalik na naman tayo sa dati, dahil sa patuloy na naitatala ang pagtaas ng hospital bed occupancy ng mga pasyenteng tinatamaan ng COVID.
Ang mahirap pa rito, may ilang pagamutan ang labis nang naapektuhan hindi lamang sa pagdami ng mga pasyente kundi dahil marami na rin sa kanilang mga health workers ay tinamaan na rin ng virus.
Marami ang naalarma, na ito ay makikita sa mahabang pila sa mga drug store sa bansa.
Aba’y talagang blockbuster ang pila sa mga botika nitong nakalipas na araw.
Bagama’t itinatanggi ng Department of Health (DOH) na walang shortage sa Paracetamol, eh taliwas naman ito sa nakikitang nakapaskil sa labas ng mga drug store.
Mukhang mas matindi pa ang pila na nasusumpungan ngayon sa mga drug store kumpara noong nakalipas na taon kung saan biglaan din ang naging pagtaas ng kaso.
Ngayon din lang yata nangyari na nagkakaubusan ng gamot, hindi nga lang masabi kung ang dahil sa pagkakasakit ay dahil sa panahon o bunga na ito ng pagkalat ng Omicron.
Kaya nga dahil dito hindi lang doble kundi dapat yatang triplehin ang pag-iingat sa pamamagitan nang pagsunod sa pinaiiral na health protocols.
Isabay na rin dapat ang mas lalong pagpapaigting pa sa pagbabakuna ng mga lokal na pamahalaan.
Sana nga eh ‘wag nang pahirapan sa pagpapalista ang mga nagnanais nang magpabakuna, maging iyan ay first, second dose o booster shot dapat gawin nang madali sa mga mamamayan, ‘wag nang gawing kumplikado para marami na ang makatanggap ng kanilang proteksyon.
Ramdam naman kasi ang kahalagahan ng bakuna. Malaking bilang ang mga nasa pagamutan ngayon dahil sa COVID ay hindi mga bakunado.
At kung may tinatamaan din naman na bakunado na, ito ay mild lamang at madalas nga na hindi na halos nararamdaman.
Ang pagsunod sa pinaiiral na mga patakaran , sabayan pa nang pagbabakuna ay isang mabisang paraan upang COVID ay malabanan.
- Latest