^

Punto Mo

Maari bang ipabago ang apelyido ng anak na inabandona ng ama?

DEAR ATTORNEY - Atty. Aeron Aldrich B. Halos - Pang-masa

Dear Attorney,

May anak po ako sa pagkadalaga. Dahil kinilala naman po ang bata ay apelyido po ng kanyang ama ang nasa kanyang birth certificate at iyon din po ang gamit niya ngayon sa kanyang mga ID. Ngayon ay gusto ko pong itanong kung maari bang ipabago ang surname ng anak ko at gawing apelyido ko na lang dahil tutal ay hindi na naman nagpakita muli ang tatay niya at hindi rin nagbibigay ng sustento. May balak rin po akong mag-migrate at isama sa akin ang bata kaya baka magkaroon pa ng aberya sa proseso sa immigration kung iba ang apelyido niya sa akin. —Helen

Dear Helen,

Ang gusto mong pagpapalit ng pangalan ng iyong anak ay maaring idaan sa pagpa-file ng petition sa korte. Ngunit base sa inilahad mo, malabong pagbigyan ng korte ang iyong hiling na ipabago ang apelyido ng iyong anak.

Sa kaso ng Moore v. Republic (G.R. No. L-18407, 26 June 1963), ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi pinagbigyan ang petisyon ng magulang na ipabago ang apelyido ng kan­yang anak ay ang pagiging menor de edad ng huli. Ayon sa Korte Suprema, hindi tamang pangunahan ang bata sa kung ano ang dapat niyang maging pangalan lalo na’t siya lamang ang makaaalam ng kanyang magiging damdamin tungkol dito. Dapat ay hintayin na lang siyang dumating sa tamang edad at hayaang siya ang magdesisyon kung gusto ba niyang baguhin ang kanyang pangalan sa pamamagitan ng tamang proseso sa ilalim ng ating  batas.

Malabo ring pagbigyan ng korte ang iyong gustong mang­yari sa apelyido ng iyong anak dahil sa ilalim ng Republic Act No. 9225, karapatan ng isang illegitimate child na dalhin ang apelyido ng kanyang ama kung siya ay kinikilala nito. Ibig sabihin, ipagkakait mo ang nasabing karapatan sa iyong anak kung ipabago mo ang kanyang apelyido. Mahalaga rin na dala-dala ng iyong anak ang apelyido ng kanyang ama dahil matibay na ebidensya ito ng kanilang relasyon bilang mag-ama kaya kung ipababago mo ito, maaring maapektuhan ang iba pa niyang mga karapatan, katulad ng karapatan niyang magmana sa ari-arian ng kanyang ama.

Base sa mga nabanggit, malaki ang tsansa na hindi pagbig­yan ng korte ang iyong kahilingan kung ikaw man ay mag­hahain ng petisyon para ipabago ang apelyido ng iyong anak. Lagi kasing isinasalang-alang ng ating batas ang kapakanan at ang interes ng bata kaya ito ang magiging panguhaning konsiderasyon ng ating mga korte sa mga kasong may kinalaman ang mga menor de edad.

SON

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with