Hanggang kailan maaring mag-file ng kaso ng paniningil laban sa employer?
Dear Attorney,
Mag iisa’t kalahating taon na po ako nang umalis sa dati kong employer pero hanggang ngayon ay hindi pa nila binabayaran ang aking final pay. Maari pa po ba akong magsampa ng kaso kahit higit isang taon na po akong wala sa dati kong kompanya? —Jan
Dear Jan,
May panahon ka pa naman para makapagsampa ng kaso para makuha mo ang sinasabi mong final pay mo mula sa iyong dating employer. Sa ilalim ng Article 291 ng Labor Code, may tatlong taon ang empleyado mula nang mangyari ang naging paglabag para siya ay makapagsampa ng kaso para sa mga tinatawag na “money claims” o mga halagang maaring singilin niya mula sa kanyang dating employer.
Kabilang sa maaring singilin sa ilalim ng Article 291 ay ang overtime pay, service incentive leave pay, bonuses, at iba pang mga halagang natanggap dapat ng empleyado noong siya ay nagtratrabaho pa sa kanyang dating employer ngunit hindi ibinigay sa kanya. Kasama na riyan ang final pay na sinasabi mo, na kadalasan ay ang huling suweldo na dapat sinahod ng empleyado bago siya umalis sa kanyang employer.
Dahil ayon sa iyo, may isa’t kalahating taon na mula nang ikaw ay umalis mula sa dati mong employer, mayroon ka pang humigit-kumulang na isa’t kalahating taon para makapagsampa ng reklamo sa National Labor Relations Commission, na tanggapan ng gobyerno na pangunahing dumidinig sa mga kasong may kinalaman sa labor disputes o mga alitan sa pagitan ng employer at empleyado.
- Latest