Ilegal na paputok, indiscriminate firing, dapat matutukan!
ILANG araw na lang sasalubungin na natin ang Taong 2022.
Ito na nga ang pinaghahandaan ng karamihan sa ating mga kababayan.
Ngayon pa nga lang kuntodo na ang pamimili ng karamihan para kahit papaano eh may mapagsasaluhan sa pagsalubong sa Bagong Taon.
May ilan pa nga na talagang gumagastos sa mga fireworks, paputok at palusis na lalong nagpapasigla sa pagdiriwang.
Kamakalawa nasa 19 na ang naitalang fireworks injuries ng Department of Health (DOH) hanggang noong Disyembre 27.
Sinabi pa ng DOH na 58 porsiyento itong mas mataas kung ikukumpara sa nairekord noong nakalipas na taong 2020 habang 67% na mababa naman sa 5-year average sa kaparehong panahon.
Ang lahat ng kaso ay dahil sa paputok.
Marahil dapat na maiwasan ang mas malalakas na paputok na ipinagbabawal para na rin sa ating kaligtasan kailangan din na dapat masunod ang mga panuntunan sa pagbebenta ng mga ito.
Ngayon ngang nalalapit na naman ang pagdiriwang lalo na sa magkakapamilya, hindi lang ang banta ng COVID ang dapat ingatan, kundi ang paggamit na rin ng mga illegal at naglalakasang paputok.
Wala rin naman sanang maging pasaway sa walang habas na pagpapaputok ng baril.
Isipin naman ng mga matitigas ang ulo na ito ang posible na naman nilang magiging biktima.
Ngayon nga may kautusan na ang DILG sa PNP na tutukan nang husto ang mga ilegal na paputok at ang mga masasasangkot sa indiscriminate firing.
Tututukan din ito ng Responde hanggang sa pagdiriwang ng Bagong Taon na sana nga lang wala nang buwis-buhay dahil sa mga pasaway.
- Latest