Nagkamal ng grasya sa pandemya, malamang maharap sa disgrasya!
Maituturing na disgrasya sa buong mundo ang pandemya pero malaking grasya naman ang naidulot nito sa mga taong walang konsensiya, dahil imbes na makiisa at makidalamhati sa pagdurusa ng mamamayan ay sinamantala pa ito ng mga taong ganid sa salapi.
Patuloy ang imbestigasyon ng senado sa maanomalyang paglustay ng bilyun-bilyong pondo ng gobyerno na malamang ay marami ang masangkot kabilang si Pres. Digong Duterte dahil appointee niya ang mga nasasangkot. May mga nakakulong na negosyanteng Intsik at Bumbay at meron na ring nasiraan ng ulo dahil diumano sa pagsisinungaling. Totoo pala na kapatid ng magnanakaw ang sinungaling? Hindi na biro ‘yan!
Panahon ng eleksyon ngayon at maaring gamiting isyu ito ng mga kalaban ng administrasyon. Magandang putahe ito, lalo na kung may ebidensiya at naglalapit sa katotohanan. Gigil na gigil si Senate Blue Ribbon Committee Chairman Sen. Dick Gordon sa usaping ito at hindi raw siya titigil hanggang mahubaran ang mga sangkot sa anomalya. Malamang may makukulong na naman. Abangan!
Hindi pa umaabot sa punto na imbestigahan din maging ang PhilHealth sa kung papaano nito ginastos ang pondo. Sana naman ay hindi totoo ang mga istorya na para makasingil sa PhilHealth ang isang ospital sa namatay na pasyente ay idinedeklarang COVID kahit walang katotohanan. Wala naman kasing awtopsiya para tukuyin ang sanhi ng pagkamatay ng pasyente at kaagad na ipinasusunog ang bangkay na maari rin namang kakutsaba rin ang mga naulila para malibre sila sa gastos. Mantakin mo nga naman na makakasingil ng daan-daang libo sa PhilHealth ang ospital sa simpleng deklarasyon ng COVID. Kung totoo ito, tama pala si Gov. Gwen Garcia?
Maganda naman ang resulta ng pagsusuot ng face mask at face shields at paghuhugas ng kamay dahil nalimitahan nito ang pagkalat ng COVID, na tiyak naman na pinagkakitaan ito ng mga manufacturer ng milyones, kaya dapat na usisain din ito ng BIR. Tiyak na may magpapalusot diyan at walang sablay ‘yan!
- Latest