‘Disiplina’
“HINDI kayo ang nakakasama ng aking anak sa araw-araw kaya huwag n’yo akong pagsabihan kung paano ko siya didisiplinahin.”
Pinagsabihan si Thelma ng kanyang ina at kapatid nang makita ng mga ito na sinabunutan nito ang anak na Gia, 6 na taon gulang dahil matagal maligo. Umiiyak na pumanhik sa kanyang kuwarto ang bata. May pahabol pang salita si Thelma kay Gia habang pumapanhik ito sa hagdanan.
“Aarte-arte pa ito komo alam na narito ang mga kakampi niya!”
Ang kanyang ate at ina ang tinutukoy na “kakampi”. Hindi nakatiis ang Ate kaya sumagot.
“Hindi mo dapat pinapagalitan ang mga bata kapag may kaharap na ibang tao o kahit na sa harap ng kanyang mga kapatid. Gusto mo bang lumaki na mababa ang pagtingin ni Gia sa kanyang sarili dahil sa madalas mong panghihiya sa kanya.”
“Kaya lalong umaarte ang babaeng ‘yan (Gia) kasi naririnig na ipinagtatanggol n’yo siya! Kaya huwag kayong makialam. Kami lagi ang magkakasama sa bahay kaya mas kilala ko ang aking mga anak. Mas alam ko kung paano sila didisiplinahin.”
Napikon ang ate sa sagot ng nakakabatang kapatid kaya napasigaw ito.
“Kaso pang-aabuso na sa bata ‘yang ginagawa mo. Nagsasalita ka na ng masakit, sinasaktan mo pa siya nang pisikal.”
Hindi lang yun ang unang beses na nasaksihan ng ina at ate ni Thelma kung paano nito “abusuhin” ang anak. Maraming beses. At lagi nila itong pinagtatalunan. Lumipas ang maraming taon, nagkaroon ng manifestation ang regular na pang-aabuso ni Thelma sa anak, na inakala niyang pagdidisiplina lang ang ginagawa niya.
Isang umaga, hindi na siguro makaya ng bata ang klase ng disiplinang tinatanggap mula sa ina. Napakabigat at nakakasakit ng damdamin. Minabuti na lang niyang magpakamatay. Ininom niya ang maraming gamot na nasa medicine cabinet. Mabuti at naisugod agad sa ospital. Natanggal sa katawan ang mga gamot na nainom. Binabantayan nila ngayon si Gia. Sabi ng doktor, posibleng ulitin, at this time, sisiguruhin nitong magtatagumpay siya. Ewan kung ano ang tumatakbo sa isip ni Thelma habang nag-iiyak ito sa tabi ng anak na wala pa rin malay hanggang ngayon.
“The way we talk to our children, becomes their inner voice. Be kind with your words.”—Peggy O’Mara
- Latest