Ano ba ang reckless imprudence?
Dear Attorney,
Ano po ba ang reckless imprudence? Kakasuhan daw po kasi ako ng reckless imprudence nang nakabanggaan ko kung hindi ako makakapagbayad. Maari po ba akong makulong kung sakali? — Gil
Dear Gil,
Ang reckless imprudence, ayon sa Article 365 ng Revised Penal Code, ay ang boluntaryong paggawa o ‘di paggawa ng isang aksyon, na bagamat walang malisya o hindi naman sinasadya, ay nagdulot ng hindi basta-bastang pinsala sa iba dahil sa kakulangan ng pag-iingat ng may sala na walang sapat na dahilan. Sa pagdetermina kung may reckless imprudence nga ba, ikokonsidera ang hanapbuhay ng may sala, ang antas ng kanyang talino, ang kondisyon ng kanyang pangangatawan, at ang sitwasyon ng ibang tao, oras, at lugar na may kinalaman sa pangyayari.
Para sa mga aksidenteng kinasasangkutan ng mga sasakyan, hindi lamang simpleng kapabayaan ang reckless imprudence. Ayon sa Korte Suprema sa Caminos, Jr. vs. People [605 Phil. 422, 434-435 (2009)], masasabing may krimen ng reckless imprudence kapag walang kapatawaran ang naging kapabayaan ng motorista o kaya’y nagpakita ito ng kawalan ng pakialam sa ibubunga ng kanyang paggawa o ‘di paggawa ng isang aksyon .
Ukol naman sa tanong mo kung makukulong ka, depende kung anong klase ng reckless imprudence ang isasampang kaso sa iyo. Lahat nang klase ng reckless imprudence ay may parusang pagkakabilanggo, bukod sa reckless imprudence resulting in damage to property. Kung pinsala lang sa ari-arian ang idinulot ng reckless imprudence at walang nasaktan o namatay, papatawan lang ang may sala ng multa base sa halaga ng pinsalang idinulot niya.
- Latest